Pag-ibig o magulang?

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Lory, 26 at isang hamak na factory worker. Mahirap lang kami at ako ang nagtataguyod sa aking mga magulang na matatanda na at mahihina na. May dalawa pa akong kapatid. Bilang factory worker ay talagang kulang ang kinikita ko. By contract pa ako at tuwing anim na buwan ay natatanggal sa trabaho at muli na lang pinapipirma ng kontrata. Mabuti na lang at sa pagsisikap ko ay nagkaroon kami ng maliit na tindahan. Nagtitinda ako ng kung anu-anong items at lugaw. Kumikita naman ako ng P300. May bf ako pero kaparis ko rin siyang isang kahig isang tuka. Sabi niya puwede naming pagtulungan ang aming kabuhayan kung magpapakasal kami. Pero natatakot ako baka lalo akong hindi na makatulong sa aking pamilya lalo na kapag nagkaanak na kami. Ano ang maipapayo mo sa akin?

Dear Lory,

May dahilan ka para matakot mag-asawa lalo pa’t ikaw na lang ang inaasahan ng iyong pamil­ya. Pero may karapatan ka rin namang bumuo ng sariling pamilya. Hindi mo nasabi kung ang mga kapatid mo’y nag-aaral o nagtatrabaho o kaya’y umaasa na lang sa’yo. Kung pinag-aaral mo sila, talagang mabigat iyan. Kung mahal mo ang iyong bf at mayroon naman siyang plano kung paano kayo mabubuhay at makakatulong sa iyong pamilya, pag-isipan mo rin ang alok niya. Kailangan mo ring planuhin ang kinabukasan mo dahil mayroon ka rin namang sariling buhay na dapat intindihin.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments