Dear Vanezza,
Ang pangalan ko ay Cyan, 40 at hiwalay sa asawa. Kung tutuusin, hindi ko naman asawa talaga kundi ka-live-in lamang ang lalaking aking kinakasama ng limang taon at nagkaroon kami ng isang anak. Ako na mismo ang nagpasyang humiwalay dahil sa pagiging iresponsable, babaero at lasenggo niya. May dalawang taon na kaming hiwalay ngayon at nagkaroon ako ng bf. Maganda ang ugali ng bf kong ito at handa niya akong pakasalan at ariing tunay na anak ang anak ko. Pero binabalikan ako ngayon ng aking dating kinakasama at nangakong magbabago na. Sinabi niya sa akin na matagal na siyang hindi umiinom at isinumpang hindi na siya mambababae. Kaya nag-iisip ako ngayon. After all, ama siya ng aking anak at bagamat ako ang nagdesisyong hiwalayan siya, may nadarama pa rin akong pagtingin sa kanya. Dapat ko ba siyang balikan? Sabi niya kung papayag ako na makipagbalikan ay pakakasal kami. Ano ang dapat kong gawin?
Dear Nancy,
Anumang desisyong gagawin mo ay ikaw lamang ang tanging makakapagpasya. Nasa edad ka na at may sapat ka nang talino batay sa iyong mga karanasan sa buhay. Sundin mo ang tibok ng iyong puso pero dapat mong isama sa pagpapasya ang talinong ibinigay sa’yo ng Diyos. Ikaw lamang at wala nang iba ang puwedeng mag-evaluate sa iyong dating nakarelasyon kung tapat ba siya at nagpapakatotoo sa kanyang mga sinasabi ngayon. At tama ka, siya ang ama ng iyong anak at marahil nga ay dapat siyang bigyan ng tsansa na gampanan ang kanyang papel bilang ama. Ngunit pag-aralan mo ang kanyang inuugali ngayon at tayahin kung tapat siya o hindi sa kanyang mga salita at doon mo ibatay ang gagawing desisyon.
Sumasaiyo,
Vanezza