PANAY ang titig ni William sa bangkay ng kaisa-isang anak. Hindi pa rin niya matanggap na wala na nga si Tamara, hindi na magbabalik kailanman. “You’re gone forever, baby…iniwan mo na ako gaya ng mommy mo. Hindi na tayo magkikita.”
Namemorize na ni William ang mga pangalan at katagang nasa nakabukas na takip ng kabaong.
“Alaala ng mga naiwan: Lolo, Lola, Tiyahin, Tiyuhin. Daddy.”
Ang mga kapamilya sa partido ni William at ni Mildred ay nagsipag-uwian na, nangakong magsisibalik sa susunod na araw at sa mismong libing.
Pangatlong gabi na ng burol, wala pang matinong tulog si William, paidlip-idlip lamang.
“Pare, bibigay ang katawan mo niyan. Matulog ka muna,” sabi kay William ng kumpare. “Saka bakit nga ayaw mo pang itakda ang libing?”
“Pareng Milroy, hindi ko na makikita si Tamara kapag nakalibing na. Kayhirap-hirap tanggapin…”
“Nagawa mong ipalibing si Mildred na mahal na mahal mo rin, Pareng William. Gano’n talaga ang buhay.”
“Hindi maalis ang hinanakit ko kay Mildred. Hindi niya iniligtas sa kapahamakan si Tamara. Inuna niya ang sariling kagustuhang makasama na sa Langit ang anak namin.”
“Pare, narinig ko na ‘yan sa mga kapitbahay natin. Masama nga raw ang loob mo kay mare. Walang basis na bintangan mo si Mareng Mildred, be reasonable naman, William.”
Sumilid sa isip ni William ang nakita ng sinundang gabi. “Nakipaglamay si Donnang biyuda, hinatid ko sa kotse niya. Pare, may nakita ako …”
“May nakita ka kay Donna…?” malisyosong tanong ng kumpare.
“Hindi kay Donna—sa langit.” “Ano ang nakita mo?”
“Actually kami ni Donna ang nakakita—rainbow, pare, sa kadiliman ng gabi. At hindi umuulan…”
“Malay mo naman kung may ulan sa kinaroroonan ng rainbow, William? Malayo ‘yon, siyempre.”
“Sabi ni Mildred, sa dulo ng rainbow pupunta si Tamara. B-baka nga nasa rainbow ang anak ko…” (ITUTULOY)