‘The Rainbow (6)’

HALOS madaling-araw na sa memorial chapel, kakaunti na ang nakikipaglamay sa burol ni Tamara. Extra caring at malambing kay William ang magandang biyudang si Donna.

Magkatabi sila sa upuang kalapit ng kabaong ng batang babae. “Nadaya si Tamara. Kaydami niyang pa­ngarap sa buhay. Maging scientist , maging forensic doctor, maging English professor… Walang kaplano-planong mamatay nang maaga ang anak ko, Donna.”

“William, ano kaya kung matulog ka muna, kahit a few hours. I’m willing to drive you home.” Hindi na maitago ang pagmamalasakit ni Donna

“Donna, masagwa. Baka matsismis tayo.”

“William, ano ka ba? Wala ka na ring asawa, gaya ko. Hindi ko  sinabing gagawa tayo ng mahalay. I just want you to get some sleep.”

Nginitian ni Wiliam ang kapitbahay. “Thanks pero ayokong iwan ang anak kong nakaburol.  Nakakaawa si Tamara. Anyway, hindi ako inaantok.”

Nagkibit-balikat si Donna.  “Okay, uuna na ako. Masisira ang beauty ko kapag napuyat nang husto. Baka wala nang magkagusto sa akin.”

Hinatid ni William hanggang sa kotse si Donna. “Ingat sa driving, maraming tarantadong motorist ganitong oras.”

Walang babalang humalik sa pisngi ni William ang mabangong biyuda. Hindi beso-beso iyon; nadama talaga ni William ang dampi ng maiinit na labi ni Donna.

Nag-blush si William, hindi malaman kung maiinis o maaaliw.

“William, look!” Biglang may napansin si Donna sa malayo, itinuro.

Maging si William ay napatanga sa kakaibang tanawin sa langit.

“Rainbow?  May rainbow kahit laganap pa ang dilim at walang ulan?”

“Ang alam ko rin, kung daytime lang puwedeng magkabahag-hari, William,” sabi ni Donna.

“Ire-research ko agad ito sa internet, Donna. Dala ko ang aking laptop.” Binuksan ni William para kay Donna ang pinto ng kotse. Umupo na sa driver’s seat ang biyuda. Hindi nakaligtas sa mga mata ng bagumbagong biyudo ang makikinis na hita ni Donna sa miniskirt nito.

Napalunok si William.

Nginitian siya ng pil­yang kapitbahay, alam na may nasulyapan siya.

Nakalayo na ang kotse ni Donna nang tana­wing muli ni William ang rainbow. Wala na ito sa langit. Lalong nagtaka si William. (ITUTULOY)

 

Show comments