Baka may AIDS si mister

Dear Vanezza,

Ako po’y isa lamang marahil sa mga misis na may mister na mahilig mambabae. Dati pong maligaya at normal ang pagsasama namin. Pero simula nang mauso ang nakamamatay na sakit na HIV/AIDS, natakot na akong sumiping sa kanya. Matagal ko na siyang pinagsasabihang tumigil na sa pagiging malikot sa babae. Puro pangako siya at hindi naman nagbabago. Tuloy, tinatanggihan ko siya pag inaaya niya akong magtalik kami. Paano ko kaya masisiguro na walang sakit na ganito ang mister ko? Tama ba ang ginagawa kong pagtanggi sa kanya? - Bebeng

Dear Bebeng,

Totoong hindi dapat ipagkait ng mga mag-asawa ang kanilang sarili sa isa’t isa. Pero may dahilan ka naman at ito’y ayaw mong makasagap ng isang nakamamatay na sakit na wala pang lunas. Mapapawi lang ang pa­ngamba mo kung titigil ang asawa mo sa pambababae. Kahit kasi ipasuri mo siya sa doktor at mapatunayang negative, hindi mo matiyak kung kailan siya dadapuan ng nasabing sakit hanggat patuloy siyang nahuhumaling sa sari-saring kandungan. Ang mabuti’y sabihin mo sa kanya ang dahilan ng iyong pagtanggi at ipaliwanag mo ang panganib ng kanyang ginagawang kalikutan. Hindi lamang siya ang madadamay kundi pati na ikaw at ang iba pang babaeng posibleng magdaan sa kanya. Ang pinaka epektibong paraan sa pagpigil sa paglaganap ng AIDS ay monogamy o pagiging tapat ng mag-asawa sa isa’t isa. Ibig sabihin, wala silang sisipingan kundi ang kanilang asawa.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments