Pabigat na kapatid

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Sindang, 45, may asawa at dalawang anak. Nang unang makilala ko ang mister ko maluwag na ang aking kabuhayan. Isa akong negosyante. Ang mister ko ay isa ring negosyante. Nang mamatay ang aking mga magulang noong dalaga pa ako, nangako ako sa kanila na hindi ko pababayaan ang aking nakababatang kapatid na lalaki. Napag-aral ko siya pero kahit nang siya ay makapag-asawa na ay mailap sa kanya ang trabaho. Nag-asawa siya at ang pamilya niya’y nakipisan sa akin. Pumayag ako tutal ay malaki naman ang naipatayo kong bahay. Hanggang sa nag-asawa na rin ako. Noong una’y okay lang sa mister ko na kapiling namin sila. Nagpagawa ng mas malaking bahay ang mister ko at nang lumipat kami’y kasama sila. Nagkaroon ang kapatid ko ng limang anak at pinag-aral ko ang mga ito. Ang tatlo’y nakapagtapos na at may sari-sarili nang pamilya. Dalawa pa ang pinagpag-aral ko at ang isa’y magtatapos na ng Computer Secretarial sa isang taon. Hanggang ngayo’y nakapisan sa akin ang aking kapatid at kanyang asawa, sampu ng kanilang dalawa pang anak. Naiinis na ang mister ko pero mahal ko ang aking kapatid at kanyang pamilya. Sabi ng mister ko, nawawalan na kami ng privacy. Nagbabanta siyang kapag hindi ko pa pinaalis ang aking kapatid at kanyang pamilya, siya na ang maglalayas. Bakit ganyan ang kanyang banta samantalang maraming taon na ang lumipas pero hindi siya nagrereklamo. Bakit ngayon lang? Papayag ba ako sa gusto niya?

Dear Sindang,

May katwirang mainis ang iyong asawa. Halos sinolo mo na ang pagtulong sa iyong kapatid at pamilya. Nga­yong dalawa na ang nakapagtapos sa kanyang mga anak dahil sa pagtataguyod mo, dapat siguro’y sila naman ang tumulong sa kanilang mga magulang. Hindi ka lang dakilang kapatid kundi dakilang tiya. Pero nakakaligtaan mo naman ang kaligayahan ng sarili mong pamilya. Nagtataka rin ako sa iyo na ang buong responsibilidad sa pagtataguyod ng kanyang pamilya ay iniatang pa sa iyong balikat? Kung di siya nahihiya sa iyo porke kapatid ka niya, dapat mahiya siya at ang kanyang misis sa iyong mister.

 

Show comments