‘Hahanapin kita (33)’

HINDI makapaniwala si Gabriel. Si Sandra habang nakaupo ay biglang nanigas ang katawan, tumirik ang mga mata, nag-iba ang tinig.

Tinig ni Carmina ang naririnig ni Gabriel. “Narito na ako, Gabby.”

“Carmina…?”

“Ako nga. Kaytagal kitang iniwasan, kailangan, Gabriel.”

“But why? Para akong tangang hintay nang hintay sa iyo, Carmi.”

Sumalit ang katahimikan. Si Sandra ay nanatiling nasa trance, wala sa sariling katauhan.

“Carmina, please answer me. Magpaliwanag ka.”

Katahimikan pa rin ang sumalit.

“Pinalitan mo na ba ako, diyan sa Langit? Iba na ang iniibig mo?” Masyado nang emotional ang binatang propesor.

Hindi na tuloy napapansin ang nagbabagong estado ni Sandra.

“Lagi kitang iniibig, huwag mo naman akong ganituhin, Carmi…”

“Gabriel.”

Napaigtad ang binata. Tumingin sa nagsalita. “S-Sandra?”

“Ako nga. Umalis na sa akin s-si Carmina.”

Kaytagal na tinitigan ni Gabriel si Sandra, inaarok ang katotohanan.

“Gabriel, nagdududa ka na naman?  Hindi mo mapaniwalaang sumanib sa akin si Carmina?”

“Paano kung gimmick mo lang ito?”

Naningkit ang mga mata ng dalaga, sa galit.

PAK. Sinampal nang malakas si Gabriel.

Ni hindi na kinausap ni Sandra ang binata; lumabas ito ng kubo at iniwan si Gabriel.

Naiwan ang binata na sapo ang pisnging nasampal, habol ng tanaw si Sandra na nakalayo na.

“Siyet! Siyeeet!” sigaw ni Gabriel, hindi patungkol kay Sandra kundi sa maling nagawa niya sa dalaga.

Bakit nga ba hinusgahan niya agad si Sandra?

Bakit hindi muna niya pinag-aralan nang husto ang naganap?

Nanatili si Gabriel sa kubo. Binalikan sa isip ang nangyari—mula sa walang babalang pagkikita nila ni Sandra, hanggang sa pagtigas ng katawan at pagtirik ng mata nito; hanggang sa pagsasa­lita nito sa tinig ni Carmina. (TATAPUSIN)    

 

Show comments