KINALIMUTAN muna ni Gabriel ang galit sa hitana. Susundin niya ang sinabi nitong direksiyon—kung saan makikita raw at makakausap niya ang yumaong nobya.
Wala siyang hindi gagawin makita lamang si Carmina. Naroon daw ito sa kubong katabi ng puno ng buko, sa dulo ng dalampasigan. Lakad-takbo si Gabriel, malayu-layo rin ang ng-iisang coconut tree; siguro’y halos isang kilometro.
Hingal siya, pawisan nang makalapit sa kubo.
Nakiramdam muna si Gabriel. May tao kaya?
“Tao po!” tawag niya. “Tao po!”
Walang sumasagot. Pero nakaawang ang pinto, bukas ang bintanang de-tukod.
Pumasok si Gabriel, tinalasan ang mata.
May tao. Namangha si Gabriel nang makilala kung sino. “I-Ikaw?”
Si Sandra. Nasa harap ito ng mesitang may sinding kandila sa ibabaw.
“Hindi ko kagustuhan ito, Gabriel. May puwersang nagpapunta sa akin dito. Hindi ko alam na darating ka rin,” seryosong sabi ni Sandra.
“A-ang pinuntahan ko rito ay si Carmina. Hindi ko alam na dito kita matatagpuan. N-naglaho ka ring parang bula, Sandra.”
“Walang pag-asa ang pag-ibig ko sa iyo. Kaya lumayo ako.”
Kung puwede lang ay nais nang yakapin at hagkan ni Gabriel ang dalagang nagmamahal sa kanya. Gayunma’y nangibabaw ang paggalang kay Carmina. “I don’t understand, dito ko raw makikita si Carmina…”
“Ako man ay naguguluhan, Gabriel. Sabi ng puwersang nagpapunta sa akin dito, ako raw ay may gagampanang isang papel.”
Napatingin sa kandila si Gabriel. “Ikaw ba ang nagsindi?”
Umiling si Sandra. “May sindi na ang kandila nang ako’y dumating. Actually, 10 minutes lang ang pagitan natin, Gabriel.”
Nag-isip ang binatang propesor. “Obvious na pinakikialaman na tayo ng spirit world, Sandra. B-baka darating dito si…Carmina.”
Kinilabutan si Sandra. “P-Pero ano ang role ko?”
Biglang napaupo sa antigong silya si Sandra. Sumunod, ito’y tumirik ang mga mata, nanigas ang katawan.
“Sandra…?” “Gabriel, narito na ako, ” sabi ng tinig na pamilyar.
(ITUTULOY)