‘Hahanapin kita (12)’

“MALAY ba natin, Dave, baka alagad ni Satan ang hitanang ‘yon—nais guluhin ang tahimik kong buhay! Nanliligalig siya!” mahabang sabi ni Gabriel sa kaibigan.

Hindi nagkomento si Dave.

“Dave, sabi ko—”

“Kung alagad ni Satan ang hitana, ano na si Carmina?”

Napakunot-noo si Gabriel. “Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Gabriel, ang alagad ni Satan—imposibleng makakuha ng kaluluwa sa Langit.”

Pug.  Nagdilim ang isip ni Gabriel sa galit, sinuntok ang kaibigan.

Umese ang takbo ng kotse, babangga sa poste.

Screecch. Umingit ang preno, at least ay napigil ng presence of mind ni Gabriel ang siguro’y kamatayan nila ni Dave.

Si Dave naman ang galit na galit. “Hinayupak ka, you almost got us killed!  Wala kang karapatang suntukin ako! Nagsabi lang ako ng opinion!”

“Hindi sa impiyerno galing ang kaluluwa ni Carmina, ulul!”

Pug. Si Dave naman ang nanuntok, nasapol sa nguso si Gabriel.

Bago pa nakabawi si Gabriel ay nakalabas na ng kotse si Dave. “Ikaw ang ulul, Gabriel! At hindi mo na ako kaibigan mula ngayon!”

Blaag. Superlakas na isinara ni Dave ang pinto ng kotse. Saka mabilis nang naglakad palayo.

Napailing si Gabriel, nagulat sa bilis ng pangyayari.

Nagkasuntukan sila, nag-away ng kababata, for the first time. Pinaglalaruan na ba sila ng mga kaaway ni Lord? At wala silang magawa?

Umuulit-ulit sa diwa ni Gabriel ang sinabi ni Dave: “Kung alagad ni Satan ang hitana, ano na si Carmina?”

Gusto na naman niyang pagsusuntukin si Dave. Walang kapatawaran ang ginawa nitong paghatol sa kaluluwa ni Carmina.

“Mabuti ngang nagkasira na tayo bilang magkaibigan, Dave! Lahat ng hindi rumerespeto kay Carmina ay kaaway kong mortal!”

Pinabilis niya ang takbo ng kotse. Zoooomm.

Bigla na namang preno. Screeechh.        Muntik na muntik niyang mabundol ang babaing biglang tumawid.

Lumingon pa ito kay Gabriel, makahulugan ang ngiti.

Ang hitana. Kuma­way pa ito kay Gabriel bago tuluyang lumayo.

Para na namang aata­kihin sa galit si Gabriel. (ITUTULOY)

               

             

Show comments