May ilang tao sa iyong kapaligiran na hindi mo naman sinasadyang hindi magustuhan at hindi ka komportableng makasama. Paano nga ba magugustuhan ang isang taong hindi mo talaga gustong makasama at pakisamahan? Narito ang ilang paraan:
Huwag maging mapanghusga – Kadalasan, aminin man natin o hindi mabilis natin mahusgahan ang tao batay sa kanilang itsura. Maraming tao ang agad na naiirita sa itsura pa lang ng tao kahit hindi pa man niya kilala ang ugali o karakter nito. Marahil ay dahil sa intimidasyon o nararamdaman mong mas magaling siya sa’yo o mas maganda pa. Hindi ito ang dapat na pairalin, dapat mo munang alamin kung anong uri ng tao ang iyong kinaiinisan dahil maaaring nagkakamali ka lang ng pagkakakilala sa kanyang panlabas na kaanyuan.
Magkaroon ng respeto sa sarili – Naiinis ka man sa isang tao dahil pinakitaan ka niya ng kagaspangan at nagdulot ito sa’yo para magkaroon ka ng “insecurity” at kawalan ng tiwala sa sarili, isipin mo pa rin ang iyong sariling kapakanan. Unawain mo din na ang taong iyong kinaiinisan ay mayroong kahinaan dapat intindihin sa kanyang pagkatao. Huwag magpaapekto ditto, bagkus ay mas palaguin ang iyong nalalaman at mas bigyan ng atensiyon ang iyong sarili. Ipaalala mo sa iyong sarili na walang sinuman ang maaaring mang-iinsulto sa iyong pagkatao. Isipin mo na lang na ang taong iyong kinaiinisan ay isang pagsubok para mas lumago ang iyong pasensiya.
Huwag kuwestiyunin ang ugali o karakter ng iba - Mayroong 1001 dahilan para magkaroon sila ng kanilang “unique” na pag-uugali at karakter. Pero gaano man karami ang kanilang dahilan, hindi mo dapat isaalang-alang sa kanila anuman ang magiging epekto ng kanilang ugali sa iyong pang-araw-araw na buhay at personalidad. Kung naiinis ka sa isang tao at nagdudulot sa’yo ng pagkababa ng iyong kumpiyansa o pagkatao, isipin mo na lang na hindi naman nila hawak ang iyong buhay, kalusugan at kinabukasan, kaya masasabi mo sa kanila na “Wala kang pakialam sa kanila”. Hindi mo sila nakasama para sila ay sagipin o baguhin ang kanilang buhay at pagkatao. Bagama’t hindi ka nakakatanggap ng maayos na pakikitungo sa kanila, ibigay pa rin ang respeto at magandang pakikisama sa taong nagdudulot ng inis sa’yo.
Tapusin ang sama ng iyong loob sa taong ito – Ang pagkakaroon ng maayos na relasyon ng dalawang tao ay batay sa respeto ng bawat isa. Kung hindi mo kalilimutan ang ginawa ng taong ito sa’yo, mahihirapan kang maalis ang iyong inis o galit sa kanya. Kung hindi ka handang magpatawad, tiyak na hindi ka rin makakalimot. Ang susi ay “Forgive and Forget”.
Magbigay ng panahon – Maaari mo din naman bigyan ng panahon ang iyong sarili. Puwede mong bigyan ng ilang araw o oras ang iyong sarili na manahimik at lumayo sa taong iyong kinaiinisan. Hindi mo kailangan madaliin ang iyong sarili.