“THANK God narito ka, Dolores. Hinahanap-hanap kita. Kailangan ko ng makakausap…” excited na sabi ni Paolo. “Alam mo bang may nakausap akong matanda na may alam sa hiwaga ng lawa?”
“Go on,” sabi ni Dolores, tuloy sa paglalakad sa tabing-dagat.
“Siya si Tata Sinto, tagarito sa Camachile. Salin-saling kuwento mula pa sa lolo niya.”
“At ano ang kuwento, Paolo?”
“Nasa ilalim ng dagat ang posibleng pinagmumulan ng pagmumulto.”
“Go on.”
“May galleon daw sa pusod nitong Camachile Lake, Dolores. Sakay ang mga Spanish traders, mga sundalo at mga batambata pang Espanyola. Tinambangan ng mga mandirigmang katutubo…”
“At lumubog ang galleon, kasama ang mga namatay at pinatay na mga sakay, ha, Paolo?”
“Ganyan nga mismo ang kuwento ni Tata Sinto.”
Tumahimik ang wirdong babae. Bumuntunghininga rin.
“Ano’ng masasabi mo, Dolores?”
Sa halip sumagot, walang babalang naghubad ng damit si Dolores. Lahat-lahat, walang saplot na inilabi.
Namula sa pagkabigla ang binata. “What are you doing?”
“Madilim ang gabi, walang malisyosong makakakita sa akin, Paolo. Maghubad ka na rin.”
“H-ha? B-bakit?” Pokpok ba si Dolores? Babaing nagwawala? Kung anu-ano ang naisip ni Paolo.
“Sisisirin natin ang dagat, dali.”
“B-bakit?”
“Para malaman ang katotohanan, Paolo.”
Napalunok ang binata. “Wala tayong diving gear, Dolores. Bukod sa gabi, tayong normal na tao ay palad nang tumagal sa ilalim nang 5 minutes na hindi humihinga. Malulunod tayo.”
“Paolo, magtiwala ka. We can do it, ako’ng bahala.”
Nais mapantastikuhan ni Paolo sa kawirduhan ng dalaga. Hindi maiwasang makita niya ang kahubaran nito.
Ah…kundi lang siguro mahalay, inuna na niya ang dikta ng pagkalalaki. Pagkaganda-ganda ng babaing hubo’t hubad. ITUTULOY