Tataya si Sen. Imee Marcos kay Sofronio Vasquez at malakas ang paniniwala niyang sisikat ang Pinoy singer matapos mag-champion sa The Voice USA.
“Tataya ako d’yan, eh,” deklara ng senadora sa ginanap na Pandesal Forum kahapon sa Kamuning Bakery na pag-aari ni Wilson Flores.
Naghain din siya ng resolution upang kilalanin ang mga katulad ni Sofronio, ganundin si Billy Crawford, na nagbibigay ng karangalan sa ating bayan.
“Kailangan kilalanin lahat ng sumisikat at nagbibigay-dangal sa Pilipinas. Kailangang kilalanin natin ‘yan. Kung minsan, parati na lang ‘yung mga pulitiko, kung minsan ‘yung mga atleta, eh. ‘Wag naman nating kalimutan ‘yung mga artists. Kasi talagang nagbibigay talaga ng pride, ‘ika nga, karangalan sa ‘Pinas,” diin niya kahapon sa ilang kausap na entertainment media.
Isang ehemplo raw ang singer “of how one’s talent and determination can ultimately lead to success. Despite having been rejected many times and going through difficult adversities in life, Vasquez used these to turn the chair around which got him the best redemption anyone could ever imagine.”
Nakapaloob sa inihaing Senate Resolution No. 1260 ng senadora na ang panalo ni Sofronio ay maituturing na “international event” dahil hindi lamang mga Pinoy ang nag-root para sa kanya kundi maging ang mga taga-Indonesia, Singapore, Malaysia at China.
Samantala, sa nasabing Pandesal Forum ay nagbigay rin ng reaksyon si Sen. Imee tungkol sa napapabalitang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng diumano’y pagkakasangkot nina Maris Racal, Anthony Jennings at Jam Villanueva sa isyu ng droga.
Nag-ugat diumano ito sa pagsilip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ilang screenshots na ipinost ni Jam sa social media na tila may pahaging sa illegal drugs. Diumano’y kukuwestiyunin ng ahensiya ang tatlo para malinawan ang isyu.
Nagkakaisa diumano sina Senators Bong Revilla Jr., Risa Hontiveros, Ronald “Bato” dela Rosa at Jinggoy Estrada sa paniniwalang dapat linisin ang masamang impluwensya ng droga sa industriya.
At agree si Sen. Imee rito. Dapat lang aniyang alagaan ng mga artistang iniidolo, lalo ng mga kabataan, ang kanilang mga sarili. “They are held to a higher level of conduct and morality. Ang problema kasi, sila ang hinahangaan ng kabataan, sila ang iniidolo, tapos sila pa ang nagkakalat. ‘Wag naman sana. Dapat alagaan din nila ‘yung sarili nila at intindihin na ‘yung imahe nila, ’yun nga ang pinaninindigan at naniniwala ang mga kabataan. So ‘eto nga, nabalitaan ko na magkakaroon nga na iba’t ibang imbestigasyon.
“Unang-una, parati kong sinasabihan ang ating law enforcement, ‘wag kayo masisindak kahit artista ‘yan o sikat, imbestigahan ninyo at talagang patawan ng sapat na parusa. Hindi naman dapat inaareglo palibhasa may kaya, may abogado, natatakot sa may hawak, ‘wag ganu’n. Dapat talaga tuluy-tuloy. Dapat mas istrikto nga, kung tutuusin, kasi parang opisyal na rin sila kasi hinahangaan nang todo,” saad niya.
‘Yun nga lang, kung mapapansin daw, lagi siyang absent sa Senate investigation. Aniya, tinatamad siya sa mga imbestigasyon. Mas masipag daw siya sa ibang bagay at para sa kanya, ‘pag nag-imbestiga at nakita nang may ebidensya, dapat itigil na. “Tama na. I-turn over na sa ating mga imbestigador na totoo, ‘yung CIDG, NBI, ibigay na sa mga professional, higit sa lahat, patawan na ng kaso, dalhin na ‘yan… kaladkarin na ‘yan sa korte. Kung may sala, parusahan na. Wala nang ekse-eksena. ‘Yun na ang problema natin d’yan, eh.”
Dagdag niya : “Nasisira tuloy ang pangalan ng ilang pulitiko na sinasabi hindi na raw in aid of legislation kundi in aid of reelection. Eh, hindi dapat ‘yon kasi hindi naman kami huwes, eh. Hindi naman kami magku-convict. Hindi naman namin kayang patawan ng kaso, hindi kami maghahain ng anumang criminal asunto o magkulong ng maski sino,” diin pa ni Sen. Imee na muling tumatakbo sa pagka-senador sa 2025.
Annette Gozon, may sagot sa renewal ng contract ni Jennylyn sa GMA
Isa si GMA Network Senior Vice President Annette Gozon-Valdes sa nagpu-push sa KathDen series pagkatapos ng Hello, Love, Again na ngayon ay highest grossing local movie of all time. “Pero hindi ko alam kung series dahil mas mahirap ang series, mas madali kung movie, so let’s see,” sabi ni Ma’am Annette nang makausap namin sa Konsyerto sa Palasyo Para sa Pelikulang Pilipino noong Linggo ng gabi.
At ang tanungin daw namin ay si Mr. Carlo Katigbak kung anong chance ng KathDen series na andun din sa Konsyerto Para sa Palasyo...
Pero tawa lang ang sagot ni Sir Carlo : “Kung anong sinabi ni Annette ‘yun ang totoo.”
Samantala, going back to Ms. Annette, sinabi niyang tuluy-tuloy na ulit ang taping ng Sangg’re. “All systems go naman ‘yung Sangg’re. Ang tuluy-tuloy na ang taping nila ulit, we are still on track. Target namin is in 2025. And excited na ang lahat,” sabi niya ps sa isang chance interview sa merienda cena para sa mga dumalo sa nasabing pa-concert ng Malacañang sa MMFF official entries.
At nang tanungin kung anong latest sa contract renewal ni Jennylyn Mercado sa GMA : “Abangan ninyo kung may contract signing o wala,” sabay tawa ni Ms. Annette na kasama that time ang isa sa mga bida ng MMFF entry ng GMA Films na Green Bones.
In all fairness kay Ma’am Annette, ang sarap niyang kausapin dahil walang off the record sa kanya.
TV5, super Merry ang Vibes
Ngayong Kapaskuhan, hatid ng TV5 ang ultimate Christmas saya sa isang star-studded Christmas extravaganza at mga bagong updates para sa kanilang Hapon Champion block!
Ipinagmamalaki ng TV5 ang Merry ang Vibes ng Pasko: The MVP Group Christmas Party, isang ekstra ordinaryong two-part Christmas special na ginanap sa Araneta Coliseum. Ang unang bahagi na napanood noong Disyembre 15 ay punong-puno ng nakakabilib na performances. At sa darating na Disyembre 22 naman mapapanood ang ikalawang bahagi nito kaya’t asahan ang mas marami pang dazzling acts at heartwarming moments.
Sa musical direction ni Maestro Louie Ocampo at sa direksyon ng legendary director na si Johnny Manahan, tampok sa Christmas special sina Maja Salvador, Apl.de.Ap, Bamboo, at Sarah Geronimo. Kasama rin ang powerhouse performances nina Martin Nievera, Aicelle Santos at Jed Madela.
Mas lalong magiging makulay ang panonood ng viewers dahil sa performances mula kina TVJ (Tito, Vic, Joey) at ng Eat Bulaga “Dabarkads,” Willie Revillame kasama ang Wil To Win co-hosts, Da Pers Family stars (Aga, Charlene at Atasha Muhlach), at ang cast ng The Kingdom na pinangungunahan nina Vic Sotto, Piolo Pascual, Sid Lucero, at Cristine Reyes.
Present din sina Sen. Raffy Tulfo, Korina Sanchez-Roxas, at mga kilalang atleta tulad nina Carlos Yulo, Nesthy Petecio, at Aira Villegas. Kasama rin ang Kapatid stars mula sa Ang Himala ni Niño, Sing Galing, at Lumuhod Ka sa Lupa, pati ang mga news anchors at personalities ng TV5.
Ang Merry ang Vibes ng Pasko ay may temang Puso at Serbisyo at naglalayong makalikom ng pondo para sa mga typhoon survivors.
Panoorin ang pangalawang bahagi ng selebrasyon ngayong Disyembre 22, 5:30 PM sa TV5, Sari-Sari, BuKo Channel, at One PH. May same-day catch-up din sa RPTV.
Bukod dito, mas pinalawak pa ang Hapon Champion block ng TV5. Extended na ang Eat Bulaga hanggang 2:40 p.m. para maghatid ng mas maraming sorpresa, laro, at tawanan.
Susundan ito ng dalawang episodes ng Frontline Express tuwing 2:40 p.m. at 4:55 p.m. para sa mga up-to-date news ngayong Kapaskuhan.
At para sa fans ng trivia at tsikahan, mas pinahaba na ang Quizmosa ng isang oras mula 3:00 p.m. hanggang 4:00 p.m. bago mag Face to Face: Harapan kasama si Korina Sanchez-Roxas.