Ate Vi, nagluluksa sa pagpanaw ng veteran writer na si Ed de Leon

Ed de Leon

Nagluluksa ang showbiz sa pagpanaw ng veteran writer at Pilipino Star NGAYON/ Pang Masa columnist na si Ed de Leon.

Mahigit limang dekada na rin ito sa showbiz at walang kaduda-duda ang kredibilidad nito pagdating sa industriya

Kilala rin itong certified Vilmanian kung saan aktibo ito sa mga aktibidad na may kaugnayan sa Star For All Seasons na si Vilma Santos at miyembro rin ng fan club nito na Vilma Santos Solid International (VSSI).

Ipinakita nito ang kanyang dedikasyon sa pagsusulat tungkol sa mga proyekto at political journey ng nanay nina Luis Manzano at Ryan Christian Recto.

Wala itong pinalalagpas na istorya tungkol sa misis ni Finance Sec. Ralph Recto at sa pamilya nito kaya naman isa si Ate Vi sa mga unang nalungkot sa pagkawala nito.

Ang Uninvited actress din ang isa sa mga unang nakaalam tungkol sa pagpanaw nito dahil agad siyang nakapag-post ilang oras makalipas ang pagkamatay nito.

Nag-post agad ito sa social media ng kanyang pakikiramay kasama ang litrato ng kaibigan niyang kolumnista, “Rest in Peace Ed De Leon, I love you my friend. Maraming Salamat!”

Maaalalang isa nga rin ito sa sumusulong na maging National Artist si Ate Vi.

Nakikiramay ang buong pamunuan ng PSN at PM sa pamilyang naulila ni Ed de Leon.

Show comments