Palaban si Yasmien Kurdi sa mga nanay ng mga estudyante na nambu-bully sa anak niyang si Ayesha. At mukhang pati si Yasmien ay binu-bully na rin, pero lumalaban siya.
Sa kanyang Instagram Stories, ipinaalam na sinabihan siyang umatras na.
Ang daming kumampi kay Yasmien dahil mali naman talaga ang mam-bully. Pati nga si Pokwang, nag-react.
“Pasalamat at di ako ag nanay ni Ayesha!!! Alam nyo na.... Dios mio wag ang anak ko mga Dai!!! Wag!!! Kung ayaw nyo mamulot ng basag na panga!!! #stopthebullying.”
Sa mga nagpayo kay Yasmien na ilipat na lang niya ng school si Ayessha, may mga pumabor at may kumontra rin. Bakit daw ang biktima ng pambu-bully pa ang magsa-suffer? Bakit hindi ang bullies ang pagsabihan?
Tanong pa ng netizens, ano ang ginagawa ng CSA (ang school ni Ayesha) at hindi nila matigil ang bullying sa school nila? Dito rin nag-aral ng high school si Heart Evangelista at sa isang interview sa kanya, naikuwento na na-bully siya kaya tumigil yata sa pag-aaral.
Tingnan n’yo naman kung nasaan si Heart ngayon? Ang mga nam-bully sa kanya, kumusta na kaya? Kasing successful kaya niya sila?
Sen. Lito, panay ang luto ng sisig para kay LT!
Manghihinayang nito ang shippers ng PriManda love team nina Sen. Lito Lapid at Lorna Tolentino dahil hindi natuloy ang dapat pagtatambal nila sa pelikula. Nabanggit ng senador na in-offer siya ng Quantum Films na mapasama sa cast ng Espantaho na entry sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF). “Dapat kasama ako Espantaho. Umayaw ako. Ayoko, baka lalong matsismis,” sabi ni Lito.
Talagang matsitsimis sila ni LT lalo na at namatay na asawa pala ang in-offer ni Atty. Joji Alonso sa senador. Kahit sabihin pang mamamatay ang kanyang role.
Kaya ang ginawa niya ay nagpadala na lang ng food sa set dahil sa Mexico, Pampanga ang shooting nila LT. Nagdadala rin daw ng pagkain o kaya’y nagluluto sina Lito at anak na si Mark Lapid sa set ng FPJ’s Batang Quiapo at alam nitong favorite ni LT ang sisig kaya tiyak, kasama ang sisig sa ipinadala niya sa shooting ng Espantaho.
Sayang lang dahil si Lito rin sana ang gaganap na ama ni Judy Ann Santos sa nasabing pelikula, pero dahil sa pag-iwas sa tsismis, pinalampas ‘yun ng senador.
Bukod sa pagpapadala ng food sa shooting, nabanggit ni Gorgy Rula na magpapa-block screening siya sa movie ni LT sa Pampanga. Wala pang sinabing date kung kailan ang pa-block screening, baka isabay sa opening ng MMFF sa Dec. 25.
Anyway, tanggap ni Lito ang mga pamba-bash sa kanya na wala raw nagawa sa third term niya sa senado. Pero, sa nakuha naming kopya ng list ng Legislative Accomplishments niya, ang dami niyang nagawa. Kasama rito ang Landmark Law na RA 11996 –Eddie Garcia Act.