Movie ni Ate Vi, nire-request na tabasan?

Matindi ang kailangang bunuin ng pelikula ni Vilma Santos ngayong MMFF. Binigyan ng R16 rating ng MTRCB ang pelikula niyang Uninvited. Dahil nga iyon sa kakaibang kuwento nito na talaga namang hindi bagay sa mga bata, kaso ang crowd ni Ate Vi ay pamilya, at usually kung ganung panahon kasama ng magulang ang mga anak.

Kaya may mga nagtatanong, hindi raw ba puwedeng tabasan kahit na kaunti ang pelikula para makakuha naman nang mas maayos na ratings at pumuwede ang mga bata?

Pero hindi lang naman ang MMFF ang inaasahan nilang audience ng pelikulang iyan dahil pagkatapos ng film festival ay mag-iikot sa ibang bahagi ng mundo. Iyon ang talagang dahilan kung bakit nakikipagtulungan ang Mentorque (producer ng pelikula), sa Warner Brothers na isang malaking international film distributor.

Iyon din ang dahilan kung bakit talagang ginas­tusan nila ito, kumuha sila ng mga kilalang artista kahit na para sa maliliit na roles lamang.

Gusto rin nilang lumutang ang galing sa acting ng mga Pilipinong artista dahil sabihin mo mang hindi makapasok ang ating pelikula sa kanilang market, maaari naman sigurong ang ating mga artista ang kunin nila para sa kanilang mga international project.

Sa ngayon assured na nga ang Uninvited sa local film distibution.

Pero on the second thought sinasabi nga nilang parang dinaya nila ng audience kung hindi nila maipapakita ang pelikula nila in its integral form.

Happy naman si Ate VI sa kinalabasan nang lahat, bagama’t nakakahinayang din dahil napakarami ngang mga bata na nakikigulo at nakikisaya sa mga meet and greet nila sa kung saan-saan tapos hindi pala nila mapapanood ang pelikulang inaabangan nila.

James at Nadine, hindi na bagay?!

Sinasabi ni James Reid na muling magbabalik sa isang serye sa telebisyon, matapos na mabigo sa pangarap na maging isang international singing star, na hindi pa siya handa na makipagtambal na muli sa dati niyang ka love team na si Nadine Lustre. Gusto raw kasi niyang mag-start ng fresh. At bilang respeto na rin daw sa karelasyon niya ngayong si Issa Pressman.

Pero baka rin naman may pait pa rin sa kalooban ni James na hindi  sumama si Nadine sa kanyang mga plano noong una.

Nagsikap naman si Nadine at noon ay talagang desididong sumama sa ex, pero natalo naman siya sa kaso at sinabihan ng korte na kailangan niyang tuparin ang kontratra niya sa Viva hanggang 2029. Naging blessing in disguise naman iyon kay Nadine dahil nanalo pa siya ng best actress at naging top grosser pa ng MMFF, na hindi sana nangyari kung sumama siya kay James.

Sunud-sunod na rin ang mga pelikula ni Nadine, Katatapos lamang ng isa at ngayon ay kasama na naman siya sa Uninvited, with Ate Vi at si Aga Muhlach, halos pantay na siya sa billing ng dalawang malaking stars na itinuturing nang haligi ng industriya.

Eh babalikan pa ba niya iyong pa-love team love team kay James Reid?

Kaya malamang na feeling is mutual para sa kanila. Kung ayaw ni James ayaw din tiyak ni Nadine na buhayin ang love­team nila ng ex.

Show comments