Nagpaliwanag ang Kapuso actress na si Rhian Ramos tungkol sa intrigang nandaya sila ng karelasyong pulitiko na si Sam Verzosa sa New York Marathon.
Nagsimula ang akusasyon nang mapansin ng mga marites na wala raw time records sa mga marker ng marathon course ang magkarelasyon.
Mahaba nga ang naging paliwanag ni Rhian sa isyung ito at naglabas nga siya ng mga resibo na nagpapatunay na hindi sila nandaya.
Ipinakita niya ang palitan nila ng mensahe ng taong nagngangalang Tom na tila namamahala sa marathon.
Naiintindihan daw niya na masaya ang “chismis” pero ngayong 2024 na ay napakadali na raw magpadala ng email at mag-verify ng facts para itama ang kwento bago pa raw makapanira ng pangalan.
Dismayado pa raw siya sa ibang media na nagkakalat ng fake news.
Inamin niyang hindi sila professional runners ng boyfriend at ang totoo raw ito ang kanyang kauna-unahang 42k. Kahit na marami ang pumigil sa kanya lalo na at wala siyang professional trainer ay tinuloy pa rin niya.
Hindi nga raw nila ito ginawa para makipagkumpetensya kundi sinigurado lang nila na matatapos nila ito nang hindi lang nagkakaroon ng injury dahil ginawa nila ito para sa charity.
Nagfa-fundraising daw sila para sa mga batang bingot para makakuha ng tamang pagpapagamot ang mga ito at para sa operasyon.
Kahit nga raw iika-ika na sila sa finish line ay hindi sila sumuko at gagawin daw ulit niya ito.
Kaya paalala niya ay nagkalat ang mga sinungaling at fake news, at sey niya “Chismis is fun, the truth can be fun too.”