Nakakatuwa ang posts ni Sunshine Cruz kung saan nagpapasalamat siya sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at iba na ipinagdasal siya at nag-iisip ng mabubuting bagay para sa kanya.
Pero nakakagulat din ang sinabi niyang may mga tao namang kung iisipin ay talagang hindi na dapat nagkaroon ng bahagi sa kanyang buhay. Wala naman siyang tinukoy kung sino at kung anong bahagi ng buhay niya, pero sa binitiwan niyang salita, hindi na bitter si Sunshine.
Totoo naman iyon, minsan ay nagkakamali tayo. Minsan mas malakas ang ating emosyon at ang akala natin ay iyon na nga ang nababagay sa atin, pero dumarating ang isang araw na na-realize natin na tayo pala ay nagkamali rin. Pero lahat naman tayo ay nagkakamali, tao nga lang eh. Sino ba sa atin ang perpekto?
Matagal na naming kaibigan si Sunshine, at inaamin namin na minsan nga nakakapagbigay kami ng unsolicited advice. Hindi namin mapigilan kasi nga kaibigan namin. Pero siyempre in the end siya pa rin ang magpapasya, buhay niya kasi iyon eh. Pero minsan, nasabi niya sa amin “dapat nakinig ako sa iyo noon pa.” Pero sabi nga namin, natural gagawa siya ng sarili niyang desisyon, buhay niya iyon eh.
Pilita, mas qualified na national artist
Kung accomplishments lang naman ang pag-uusapan, bakit nga hindi nila isinusulong si Pilita Corrales bilang national artist? Malaki ang nagawa ni Pilita para sa sining ng musikang Pilipino. Noong panahong wala pa ang mga singers nating nagpe-perform sa ibang bansa, andun na si Pilita. Ang pangalan niya ay maingay na at lutang sa malalaking billboard sa Las Vegas na kung saan siya performer. Minsan nga kuwento sa amin ng isang kaibigan, nalilito sila dahil ang pangalan ni Pilita ay nasa tatlong magkakaibang venue, ibig sabihin nagkaroon siya ng performance sa tatlong venue na iyon sa isang araw sa iba-ibang oras nga lang.
Hindi lang iyon, ang dami niyang naging peformance sa Japan, sa Singapore, in fact may nailabas pa nga siyang isang Japanese album noon na naging isang malaking hit sa Tokyo.
Nag-perform siya sa malalaking concert venue, hindi gaya ng iba na maski sa mga maliliit na carinderia ng mga Pinoy sa US ay kumakanta. Noon ngang dumating sa Pilipinas ang Beatles at nagkaroon ng concert isa sa pinili nilang mag-perform sa concert nila ay si Pilita. Dahil noon basta sinabi mong Philippine music, si Pilita Corrales lang iyan. Siya ang undisputed Asia’s Queen of Songs at hindi naagaw sa kanya ng kahit na sino ang title na iyan hanggang ngayon.
Si Pilita bilang isang singer ay kinilala hindi lamang sa five, kundi sa six continents pa. Pero bakit tahimik sila sa mga bagay na iyon, kasi hindi nila matanggap na may mas magaling at mas sumikat na singer kesa sa iba.
Sex scandal, maraming scammer
Noong isang araw, nag-throwback kami dahil sabi nila sa show business napakaraming scandal na lumalabas, pero bakit nga ba mas maraming mga artistang lalaki ang lumalabas na may mga scandal? Sa betamax noon at VHS.
Ngayon mas talamak na nga mga scandal video, at dahil ang karamihan ng tumatangkilik sa mga scandal ay mga bakla. Mga lalaki ang gumagawa ng kahalayan sa video at sila na mismo ang nagbebenta ng kahalayan nila sa pamamagitan ng sarili nilang social media channels. At ang bilis ng bayaran.
Ipadadala mo lang sa kanila ang confirmation of payment, at tapos saka nila ipapasa ang URL para mapanood mo ang kanilang scandal. Pero marami riyan ay scam, matapos kang magbayad, wala ka nang mapapanood dahil wala naman silang scandal.
Kaya iyang kahalayan sa Internet, mahirap nang sawayin iyan, maliban kung bigyan talaga ng parusang mabigat.