Luchi, magiging Kapuso na!

Luchi

Hanggang katapusan ng buwan na lang pala si Luchi Cruz-Valdes bilang hepe ng News ng TV5. Ang dinig namin noon, hanggang sa susunod na taon pa siya, pero hanggang katapusan na lang daw ng buwan. Pero hindi naman pala siya magre-retire kundi lilipat lang siya sa GMA 7. Siya yata ang mamamahala ng GMA Integrated News, at magiging co-anchor ni Martin Andanar sa isang public affairs show.

Nagbabalik daw si Martin Andanar na na­ging press secretary noon ni dating presidente Digong Duterte.

Si Andanar ay na­ging anchor din sa China Global Television Network o CGTN, iyan ang English language propaganda network ng China na based sa Beijing.

Siguro nahirapan din siya sa propaganda ng China kaya nagbalik siya sa Pilipinas.

Mabuti naman kinuha siya ng GMA 7.

Joshua at Carlo, may bagong raket sa abroad

May kuwento tungkol sa dalawang aktor ang nakatawag ng aming pansin kagabi. Una ay ang isang pelikulang ginawa ni Carlo Aquino sa Japan, isa iyong Japanese film na may mga kasamang mga artistang Pilipino at isa nga roon si Carlo. Ang role raw ni Carlo sa pelikula ay isang sikat na aktor na bumagsak ang career sa Pilipinas at nagtungo sa Japan para doon magtrabaho. Doon naman niya mae-encounter ang bidang Japanese actor na gumaganap sa role ng isang gangster.

Ayan maaaring hindi tayo makapagbenta ng ating mga pelikula sa ibang bansa. Maaaring mababa pa ang kalidad ng ating mga pelikula kaysa sa kanila dahil sa maliit nating production budget at mga equipment na panahon pa ng kopong-kopong, pero may magaga­ling tayong artista at mga direktor ng pelikula. Sila ang dalhin natin sa ibang bansa at hindi iyong ipini­pilit ang mga pelikula nating ni hindi naman mailabas kahit na sa second run theaters lamang sa abroad.

Iyong isa namang kuwento na napansin namin ay iyong pagda-dub ni Joshua Garcia ng isang pelikula ng Disney na ilalabas sa cable. “Mahirap pala,” sabi ni Joshua, pero nagawa niya.

Eh iyong pelikula, napakadali na para kay Joshua, magpa-cute lang siya sa eksena ay ok na, titili na ang fans. Pero iyong voice acting, talagang mabigat.

Hindi kami naniniwala na si Joshua ay binayaran lamang kagaya ng talent fee ng dubbers. Tiyak na mas malaki iyan. Kasi magagamit din naman nila iyan eh, basta sinabi nilang featuring the voice of Joshua Garcia, maraming magbabayad para mapanood ang pelikula. 

Show comments