Sinabi ni Niño Muhlach na ang findings ng behavioral science sa anak niyang si Sandro ay dumaranas iyon ng depression matapos ang sinasabing pang-aabuso sa kanya ng dalawang independent contractors ng GMA 7 na sina Richard Dode Cruz at Jojo Nones.
Sinabi rin ni Niño na “Actually nakaharap ko na iyong dalawa and they apologized to me regarding what happened. Sabi ko, ako tao lang ako, Diyos nga marunong magpatawad, kaya ko silang patawarin, pero they have to pay for what they did.”
Mayroon pang sources na nagsabing ang dalawa ay nag-alok pang magbayad kung magkano man ang itakda ay ibibigay iyon sa isang charitable institution na sasabihin ng mga Muhlach bilang pagbabayad puri sa kanilang nagawa.
Pero imposible na iyon dahil isang kasong kriminal nga ang isinasampa sa kanila kaya si Sandro kung sakali ay witness na lang at ang kalaban na nila ay ang estado.
Pero pasalamat tayo at naisipan nga ng mag-amang Muhlach na maghain ng isang kasong criminal laban sa mga independent contractors ng GMA, dahil kung ano man ang magiging desisyon ng korte sa kasong iyan ay maaaring pagbatayan o maging precedent ng korte sa mga kasunod pang kaso. At kahit na hindi umabot iyan sa korte suprema ang magiging hatol ng mababang hukuman ay magiging para na ring “rule of court’ na maaaring gamitin sa mga kasunod pang kaso. Pero kung iyan ay mauuwi lamang sa patawaran at pag-uurong ng demanda, lalabo na naman ang pagkakataon ng ibang kasunod na maghahain ng kaso kung sila man ay inabuso. Kaya dapat walang areglo.
James at Michela, sinagot ang intrigang hiwalay na!
Uy, magkasama sina James Yap at ang asawang si Michela Cazzola nang ipagdiwang ang birthday ng kanilang anak na lalaki, na kung tawagin nila ngayon ay Bugoy, pero sa pagkatanda namin siya ang James Jr.
So hindi totoo ang mga tsismis na nagkalabuan na sina Michela at James at hiwalay na? May nagsasabi kasing umalis si Michela para umuwi sa kanilang bansa. Baka naman iyon ay bakasyon lamang at hindi sila naghiwalay na mag-asawa. Wala naman tayong nababalitaang dahilan para sila magkahiwalay.
Tingnan natin kung pang-social media lang ito pero sa bandang huli ay ganun nga?
Samantala, sinabing namatay raw si Ryza Mae Dizon, at pinalabas pang may statement si Vic Sotto na labis ang kanyang kalungkutan dahil parang anak na ang turing niya kay Ryza, eh ayun si Ryza at nagsasayaw pa sa Eat Bulaga.
Ang nakakalungkot lang walang ginagawang pagdisiplina ang mga social media platform laban sa mga gumagawa ng ganyang mali. Kung sa bagay ok lang iyan at nawawala na ang kredibilidad ng social media dahil sa bad eggs na iyan. Mas nagtitiwala pa rin ang mga tao sa lehitimong media.
Nanay ni Caloy, natameme sa abogado
Kinuha ng pamilya ni Carlos Yulo si Atty. Raymond Fortun upang maging tagapagsalita nila matapos na sila ay mabalikan ng katakut-takot na bashers.
Sinisisi ang nanay ni Carlos Yulo sa pagsasalita ng kung anu-ano laban sa pinakabagong sports hero ng Pilipinas. Nagkaroon ng ‘di pagkakaunawaan sa pamilya kaya kumalat nga iyon sa social media.
Pero sinabi ni Atty. Fortun na nagkaroon nga ng mga maling statement si Angelica Yulo na pinalabas niya sa social media at sa kanyang mga naibigay na interview. Naniniwala rin si Fortun na kailangang magkasundo ang pamilya at mangyayari lang iyon kung aaminin na at itutuwid ni Angelica ang mga una niyang nasabi.
Ganyan dapat ang spokesperson, hindi iyong pilit na itinutuwid ang mali. Hindi iyong masunod lang ang sinasabi ng kliyente, sige lang kahit na lumaki pa ang gulo. Kung may gulo mas may kita ang abogado. Pero iba si Fortun, sa tama siya sumandal.