Itinanggi ni FAMAS (Filipino Academy of Movie Arts and Sciences) Best Actor Alfred Vargas ang tsikang lumalabas na bilang producer ay nagkaroon siya ng problema kay Superstar Nora Aunor habang ginagawa nila ang pelikulang Pieta.
“I will completely refute that,” mariing sabi ng aktor/pulitiko sa thanksgiving presscon niya for the entertainment press kahapon.
Aniya ay maganda raw ang naging experience niya working with ate Guy at very professional pa. “‘Yung experience ko with ate Guy, super-smooth. Ang bait-bait niya. Never siyang na-late, saka never niyang pinaramdam sa amin na Superstar siya. Ang ganda ng experience ko,” sey ni Alfred.
At ikine-credit din daw niya ang maayos na working experience nila sa set sa direktor na si Adolf Alix, Jr.
“I will attribute that to direk Adolf Alix. Si direk Adolf kasi ‘yung magaling talaga na direktor na organized lahat,” aniya.
Kaya kung may mga nagsasabi raw na mahirap katrabaho ang Superstar, ayon kay Alfred ay wala siyang ganu’ng experience. “In my experience ha? Kasi ang sarap katrabaho ni ate Guy and actually naging close na rin kami, and siguro, masasabi ko na isa ako sa mga gusto niyang co-actors,” he said.
Kaya malaki raw ang posibilidad na ipag-produce pa niya ulit ng pelikula si Ate Guy in the future.
Si Alfred ang producer at aktor ng Pieta kung saan nga siya nanalong Best Actor sa FAMAS. Aside from ate Guy ay kasama rin nila sa movie sina Gina Alajar and the late Jaclyn Jose.
Labis ang pasasalamat ng aktor/producer sa nasabing tatlong award-winning actresses dahil talagang tinulungan daw siya’t inalalayan para magampanan niya nang mabuti ang kanyang papel.
“Feeling ko, hindi ako mananalo ng award kung hindi dahil sa kanilang tatlo, kasi parang recipient lang ako ng galing nila. So, kumbaga, nakisabay lang ako, nakita ko sila tapos I tried my best. I owe it to the three of them and I want to thank them,” he said.
Sa naturang mediacon ay inanunsyo ni Alfred na ang Pieta ay hindi muna mapapanood sa kahit anumang streaming platforms. Sa halip ay iikot daw ito sa mga sinehan sa bansa. “Nakausap na rin natin ang SM, Pieta will be shown exclusively in SM Cinemas at itu-tour natin ito through special exclusive screenings. And right now, I’m happy to say that we have already several fully-booked screenings all across the country. Tapos, ‘yung isang screening du’n, si Supertar Nora Aunor mismo ang naroroon,” sey ng aktor/pulitiko.
Bandang July raw magsisimula ang Pieta cinema tour at balak din nilang magkaroon ng screenings sa ibang bansa tulad ng California, New York and Dubai. Ito ay dahil na rin daw sa clamor ng Noranians all over the world.
Wala pang dates ang screenings sa abroad pero for sure ay this year daw ito lahat magaganap.
Sa ngayon ay pahinga muna si Alfred sa paggawa ng pelikula dahil naka-focus siya sa darating na eleksyon next year. Tatapusin lang daw niya ang bagong teleserye niya sa GMA 7 na Forever Young with Nadine Samonte at pagkatapos ay full focus na siya sa public service.
When asked kung ano ang tatakbuhin niya sa 2024 elections, ayon sa konsehal ng 5th District ng Quezon City ay wala pa raw final decision since sa October pa naman ang filing of candidacy.
“Pero for now, my brother (PM Vargas) is doing a very, very good job as Congressman (of 5th District of QC) at aaminin ko sa inyo, mas magaling siyang Congressman kaysa sa akin,” sey niya.