Ricardo, malabong makalabas ng kulungan!

Ricardo Cepeda

Hanggang ngayon ay nakakulong pa ang actor na si Ricardo Cepeda at ang kanyang kapatid ay humihingi na ng tulong sa kanilang mga kaibigan, para may maipangtustos sa pangangailangang legal ng actor. Hinuli si Ricardo dahil sa bintang na multiple estafa, dahil may mga taong nakunan niya diumano ng investment para sa isang kumpanya. Pero iginiit ng kanyang kapatid na mali ang bintang. Wala diumanong kinalaman si Ricardo sa pananalapi ng kumpanyang iyon kundi naging celebrity endorser lang siya nito.

Nangyayari na napagbibintangan kung minsan ang mga artista na nagsisilbing endorsers lamang dahil ang sinasabi ng ibang mga tao na naglagak sila ng investments sa kumpanya dahil sa panghihikayat ng actor.

Nauna rito, ganyan din ang naging kaso ni Luis Manzano na sasampahan sana ng kaso ng ilang mga tao kung hindi lamang napatunayan ni Luis na wala talaga siyang kinalaman sa kumpanya at sa kanya rin ay mas malaki pa ang natangay na pera, at siya pa mismo ang naunang mag-request sa NBI na imbestigahan na ang pananalapi ng kumpanya ng kanyang kaibigan.

Madali kasing mapapaniwala ang mga tao basta may celebrity endorsers sila, na ang totoo ay wala namang kinalaman kung papaano nila pinatatakbo ang kanilang negosyo.

Sa kaso ni Ricardo, mas malala dahil naipit na siya sa mga kaso, at ngayon nga sinasabing ang gastos sa bawat hearing niya ay umaabot ng daang libong piso pati na ang bayad sa mga abogado.

Talagang sa mga ganyang kaso kailangan mo ang isang mahusay na abogado, na natural mataas din ang bayad.

Tahanang…, malaki ang utang?!

Marami ang nagtataka dahil biglang nawala na ang page sa social media ng Tahanang Pinakamasaya. Noon ding show nila noong Sabado naging emosyonal sila sa pagpapaalam, nagpasalamat sa kanilang sponsors, at mga taong nanatiling nanonood ng kanilang show at sa lahat ng kanilang mga kasama. Hindi karaniwang ganyan ang tono ng hosts maliban na lamang kung alam nilang matitigok na ang kanilang show.

Matagal nang sinasabing malapit na silang isara, dahil mukhang hindi naman ie-extend ng GMA 7 ang kanilang kontrata dahil nananatiling mababa ang kanilang ratings, naaapektuhan na ang afternoon programming ng network, at may sinasabi pang malaking pagkakautang nila sa air time na hindi nababayaran.

Sunshine, tinanggi si Atong Ang!

Walang “secret lover” sa ngayon si Sunshine Cruz kagaya ng kumakalat na mga tsismis.

Aywan kung ang mga tsismis bang iyon ay nagmumula sa mga gustong kumalaban kay Sunshine o ano, pero pinaninindigan niyang nananahimik siya.

Pilit na inili-link si Sunshine sa isang businessman na si Atong Ang. Kilala raw niya iyon pero hindi naman daw nanliligaw sa kanya at sa ngayon daw ay pass muna siya sa ganyan dahil mas priority raw niya ang kanyang mga anak.

Kung walang magawa, physical fitness ang pinagkakaabalahan ngayon ni Sunshine, particularly ang boxing bukod nga sa dumarami na naman niyang commercial endorsements.

Show comments