Hindi na raw nagkakausap ang TVJ at ang kanilang kaibigan at dating producer na si Tony Tuviera. Minsan lang raw silang nag-usap pero inamin ni Tito Sotto na hindi nila nagustuhan ang sinabi noon sa kanila kaya magmula noon wala nang nangyaring usapan.
Nang umalis ang TVJ sa mga Jalosjos ang akala nga ng marami ay makakasama nila si Tuviera na inalis na rin bilang president ng TAPE at producer ng Eat Bulaga.
Pero hindi mo rin naman masisisi si Tuviera na may natitira pa siyang 25% sa Tape Inc. Bukod doon papaano ang kanyang ipinatayong studio kung walang regular na gagamit, malulugi siya nang husto dahil magbabayad siya ng loans kung wala namang income iyon. Kaya wala siyang choice nagpaiwan sa Tape Inc.
At ang narinig namin noon, gusto niyang magtulay sa dalawang kampo dahil ayaw niyang masira ang Eat Bulaga. Pero desidido na nga ang TVJ na kumalas at nang umalis sila sumama naman ang lahat ng iba pang Dabarkads, natuluyan na.
Lumipat na ang TVJ sa TV 5, na kahit na walang live studio sinikap na magtayo ng panibagong studio para sa EAT, and the rest is history.
Pero nakakahinayang din dahil noong kasama pa si Tony Tuviera ng TVJ, nakakagawa pa sila ng pelikula na madalas ay top grosser sa Metro Manila Film Festival.
Vi at Cong. Ralph, 31 years nang kasal
Thirty one years na pala ang nakaraan. Para ngang ang bilis ng panahon. Thirty one years ago na pala ang kasal nina Ate Vi (Vilma Santos) at Congressman Ralph Recto na ginanap sa San Sebastian Cathedral sa Lipa City.
Natatandaan namin madaling araw kaming umalis sa Maynila para sa coverage ng kasal. Iba pa ang klase ng coverage namin noon mas mahirap dahil wala ang mga modernong computers at internet na kagaya ngayon. Kung may internet na noon hindi kami mapapagod nang ganoon.
Ang kasama namin noon ay si Tony Tantay bilang photographer, pero siyempre hindi makakaya ng isang fotog ang ganoon kalaking event kaya bitbit din namin ang aming camera. Pagdating namin sa Lipa, ang una naming ginawa ay mag-ikot sa paligid ng cathedral para malaman namin kung ano ang mga possibilities ng coverage namin.
Maghapong trabaho iyon at inabot pa kami ng gabi sa reception. Matapos ang coverage balik pa kami sa office para tiyaking walang problema sa materyales.
Naghihintay kasi hindi lang ang aming editor kung ‘di lahat ng mga tauhan sa printing. Ang target kasi namin noon mailabas ang isang buong magazine na parang isang wedding album kasabay ng mga diyaryo kinabukasan. Alas-dos ng madaling araw may nailabas ng kopya ng magazine at saka lang kami nakatulog.
Naalala lang namin ang kasal na iyon ni Ate Vi at Cong. Ralph ang isa sa pinakamahirap na coverage namin sa aming buong career. Hindi malaki ang kita pero maipagmamalaki namin ang nagawa namin. Iyon din ang isa sa pinakamagandang kasal na nasaksihan namin dahil maayos at talagang solemn ang seremonya sa loob ng Cathedral, hindi magulong parang karnabal o talipapa.
Ang isa pang kasal na mahirap din ang coverage ay iyong kasal ni Aga Muhlach sa Baguio dahil umuulan pa noon. Pero mas madali noon dahil may internet na.
Pero ngayon hindi na namin kayang ulitin ang ganoong klase ng trabaho. Susuko na kami.
Car fun boys, nakalusot sa noontime show?!
Hindi rin matinik ang talent coordinators ng isang noontime show, aywan kung alam din ba nila pero hinahayaan na lang nila, iyong kanilang isinasali sa isang segment nila ngayon ay mga kilalang “car fun boys. ”
Iyan ‘yung mga lalaking tumatambay sa mga inuman at kung may makakursunada sa kanilang mga bakla ay sumasama sila. In short, mga male prostitute.
Hindi siguro sila aware pero minsan may isang grupo na nagkukuwentuhan habang pinanonood ang kanilang show sa TV sa isang restaurant, at ang pinagkukuwentuhan nila ay ang talent sa segment ng show na naka-date na nila.
Hindi siguro nila alam na ganoon ang nakukuha nila pero nakaka-cheap lalo iyon sa kanilang show.