MANILA, Philippines — Astig na tunog rock ang hatid na bersyon ng dating Idol Philippines season 1 contestant na si Carlo Bautista sa ‘hugot’ ballad na Hiling na ini-release ng Star Music.
Hindi na baguhan sa pag-awit ang pop alternative music artist na dati na ring sumali sa Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime.
Noong 2019, inilabas din niya ang single na Kwarto kasama si Kidwolf na nakasama sa official soundtrack ng iWantTFC series na Mga Batang Poz. Sa ngayon, isa siyang bokalista ng banda, demo singer, at kumu streamer.
Ipinrodyus ni Jack Rufo ang revival ni Carlo ng Hiling na mas maangas ang tunog at beat ng drums kaya naman siguradong magiging earworm ito sa mga makikinig.
Unang pinasikat ni Pinoy Dream Academy runner-up Jay-R Siaboc ang awitin noong 2007 na tungkol sa pangako ng isang tao sa kanyang dating karelasyon na ito lang ang lagi niyang mamahalin.
Si Emman Abatayo ang sumulat ng kanta.
The Clash champion, nakaka-relate sa mensahe ng kanyang kanta
Pangako ni The Clash Season 3 Grand Champion Jessica Villarubin na magmamahal siya nang tapat at walang pasubali sa kanyang latest single sa ilalim ng GMA Music titled Ikaw Lang Ang Iibigin.
Composed by Vehnee Saturno, ang relatable ballad song ay tungkol sa pagiging in love at pananabik na makapiling araw-araw ang iyong minamahal.
Tuwang-tuwa si Jessica na sa wakas ay mailabas na ang kanyang kanta, “Very excited po ako, especially nung nalaman ko kung sino yung composer ng song. I was very happy kasi si Sir Vehnee Saturno ay isa sa mga sikat na composer dito sa Pilipinas and marami siyang kantang sumikat.”
Dagdag niya : “‘Nung nagbigay sila ng songs, ito talaga ‘yung napusuan ko sa lahat kasi gusto ko ‘yung message ng kanta.”
Ibinahagi rin niya kung paano makaka-relate ang marami sa kanyang kanta, “Sa friends ko na in-love, this is for you. Before, na-try ko rin ma-inlove so siguro ito ‘yung naging hugot ko nung nag-record ako, ‘yung past kong mga relationship. But mai-dedicate ko rin itong song for LDR couples na malayo sa isa’t isa, na hindi hadlang ‘yung distance when you love someone. Tamang-tama itong kanta para sa inyo.”
Tune in to Ikaw Lang Ang Iibigin, na kasalukuyan nang napapakinggan sa mga digital streaming platforms worldwide.