Komedyante / Direktor na si Boy Alano, namatay na!  

Boy Alano

Yumao na noong isang araw ang komedyante at director ding si Boy Alano. Isang mabait na tao si Boy. Hindi na masyadong natatandaan ng mga nasa henerasyon ngayon ang mga performance niya pero  madalas siya sa mga pelikula ni Nora Aunor noong araw. Nakakasama rin siya sa mga pelikula ni FPJ. Ang home studio ni Boy noon ay Sampaguita Pictures, at naka-tandem niya sa pagpapatawa si Kuya Germs.

Mas nakilala  at napalapit kami kay Boy noong siya ay nagsisilbing assistant director kay direk Temyong Marquez sa Tower Productions. Kagaya namin at iba pang mga movie writer, madalas din siya sa bahay noon ni direk Temyong at Maria Victoria sa Sunrise Hills sa New Manila, dahil noong panahong iyon doon maraming balita at controversy. Ngayon hindi nila binabanggit man lang, pero sa totoo si direk Temyong ang gumawa ng napakaraming hit movies ni Nora Aunor noong araw. Si direk din ang isa sa nagpauso ng bold bago ang martial law.

Nandoon talaga ang balita, at lahat iyan malalaman mo ang latest mula kay Boy, na siya ngang assistant director.

Nitong bandang huli, nagkikita kami ni Boy doon sa show ni Kuya Germs. Medyo hirap na siya sa buhay noon, at tinutulungan siya ni kuya Germs na habit na noon ang pagtulong na basta kaibigan niya hindi pababayaan.

Noong namatay na si Kuya Germs, hindi na rin namin nakita si Boy, pero nabalitaan nga namin na may sakit siya, at tinulungan pa noon ni Julius Babao na nasa ABS-CBN pa.

Hanggang noong isang araw, nabalitaan na nga lang naming yumao siya.

Rest in Peace Boy.

Michael, hindi kinapos sa pag-iingat pero na-COVID pa rin

Isipin ninyo, si Michael V., tinamaan na naman ng Covid-19. Naka-isolate na naman siya sa bahay nila at ang sabi niya, pati daw misis niya nadamay.

Hindi mo masasabing kulang si Michael V sa bakuna. Isa iyan sa mga naunang nag-post na nabakunahan na siya.

Iyon ding GMA 7, kumuha ng sarili nilang bakuna para sa mga empleyado at artista nila. Doon sa kanilang studio regular ang disinfection.

Hindi mo naman masasabi na si Michael V nagpapabaya sa bahay, o kaya ay humahalo sa maraming tao. Pero bakit siya tinamaan na naman ng Covid? Minsan masama rin naman iyong masyado kang malinis.

Mababa ang resistance mo sa virus. Basta ang importante, palakasin ang katawan, mag-face mask at social distancing lang.

Aktor binasura ng pulitiko

Hindi na makapagyayabang ngayon ang isang male star, at sa ngayon ay kailangan na siyang humanap ng trabaho. Inalisan na siya ng sustento ni gay politician na natalo. Bukod sa natalo na si gay politician, na siyempre wala nang maaasahang “pork barrel”, nainis daw iyon nang malaman na nakabuntis na naman si male star.

“Sa pamilya nga niya ako na nagsusustento, ngayon may dagdag na naman,”ang galit na sabi ng gay politician.

Ngayon ang sabi ng aming source, isang mas bagets na social media influencer at indie actor ang nakaka-date ng gay politician.

Tuluyan na niyang ibinasura si male star.

Show comments