Malakas ang ulan, kailangan at least semi-formal ang kasuotan mo dahil launching iyon ng isang kumpanya, traffic pa papunta sa Greenhills, pero hindi namin natanggihan ang imbitasyon ng aming kaibigang si director Joven Tan, na puntahan ang launching ng Juanetworx.
Isa iyong streaming platform na nag-aalok ng mga mahuhusay na panoorin, entertainment, cultural, at public service rin, hindi lamang dito kundi maging sa abroad.
Kung habang nanonood ka, nagkaroon ka ng medical emergency, ang Juanetworx ay may collaboration din sa mga ospital, hindi lang dito kundi maging sa abroad.
Hindi namin ikinakaila, medyo ilag kami diyan sa mga live streaming sa internet, dahil karamihan sa kanila ay puro kahalayan lamang.
Pero itong Juanetworx, inamin ng prime mover noon na si Edith Fider na nabuo nila sa inspirasyon ni Fr. Fernando Suarez. Kaya may religious values na nakalagay sa kanilang mga palabas.
Hindi naman nila ikinakaila, mayroon ding sexy gaya nga ng isang serye ni Joven Tan, pero tiniyak nila “makakalusot iyan sa MTRCB.” Sexy sila pero hindi kabastusan. Walang nagbubuyangyang ng private parts ng mga baguhan.
“Gusto rin naman naming manatiling disente ang aming mga kinukuhang artista,” sabi ni direk Joven. Mayroon din silang programa na makakatulong sa mga OFW, dahil sa pamamagitan ng mga programang iyon, magbibigay sila ng ayudang medical, legal, bukod pa sa entertainment sa ating mga kababayang naninirahan sa abroad.
Marahil pagdating ng araw, maaari rin silang mag-live stream ng banal na misa sa kanilang network para sa mga Pilipinong nasa mga bansang hindi pinahihintulutan iyon.
Mayroon din silang comedy. Nakuha nila iyong nakakatawang TikToker na si Bernie Batin, ang sari-sari store owner, at patuloy raw ang kanilang negosasyon sa iba pang comedians.
May mga panoorin din silang horror, dahil alam naman ninyo ang mga Pinoy mahilig din sa ganyan, at hindi ka kumpleto sa entertainment package mo kung walang horror. Basta natutuwa kami sa kanila dahil walang mahalay sa kanilang palabas.
Pero hindi raw naman nangangahulugan na sa pagbubukas nila ng Juanetworx ay tatalikuran na nila ang kanilang paggawa ng pelikula. Basta may mahusay raw na project, gagawa pa rin sila ng mga pelikulang ipapalabas sa mga sinehan. “Gusto rin naman naming makatulong sa industriya,” sabi pa ni Edith Fider.
At ang nakakatuwa, sa halagang P100 o wala pang two dollars kung ikaw ay nasa abroad, subscriber ka na sa Juanetworx, mapapanood mo na ang lahat ng kanilang entertainment content at magagamit mo ang kanilang Helpline kung ikaw ay may pangangailangan lalo na kung emergency.
Actually natuwa kami sa kanilang ipinakita, at natuwa rin kami dahil muli naming nakita ang lahat halos ng mga miyembro ng entertainment press na hindi pa yata naiipon nang ganyan simula noong magkaroon ng pandemic.