MANILA, Philippines — Inilunsad kamakailan ng Manila Broadcasting Company ang pangalawang edisyon ng MBC Short Film Festival, na naglalayong mangalap ng magagandang akda sa larangan ng short features, documentaries, at animation.
Bilang pagbubunyi sa mataas na antas na narating ng mga pelikulang Pilipino sa kabi-bilang panalo sa mga international film competitions, ang 2022 MBC Short Film Festival ay tatanggap ng mga maikling pelikulang hindi lalampas ng 20 minuto ang haba, na makapaglalarawan ng gawaing kabaitan, habag at pagmamalasakit, halaw sa tunay na buhay.
Isang pinagpipitagang hanay ng mga hurado mula United Kingdom, Canada, France, United States at Pilipinas ang naatasang pumili ng 15 pelikulang papasok sa final competition na tatakbo mula ika-15 ng hulyo hanggang ika-5 ng Agosto sa taong ito.
Bawat finalist ay tatanggap ng P20,000 cash incentive. Ang mapipiling category winners naman ay mag-uuwi ng tig- P100,000 at siyang maglalaban sa Grand Prix, kung saan ang magwawagi ay magkakamit pa ng karagdagang P100,000 net of tax. Ang tatanghaling Viewers’ Choice ay bibigyan ng P25,000.
Ang 2022 MBC Short Film Festival ay nasa sentro ng selebrasyon ng anibersaryo ng DZRH – ang flagship station ng MBC, na patuloy na nagsisilbi sa bayang Pilipino sa himpapawid. Layunin ng MBC-DZRH na mabigyan ng karagdagan suporta ang pelikulang Pilipino sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, sa pamamagitan ng digital platforms nito.
Deadline ng pagsumite ng mga lahok ay sa ika-20 ng Mayo 2022. Matutunghayan ang kumpletong mga detalye sa official website: www.mbcfilmfest.com ; Makikita rin ang mga ito sa MBC Short Film Festival Facebook page.