Nakuha na ng Kapuso actor na si Kevin Santos ang kanyang lisensya bilang isang commercial pilot.
Pinost niya via Instagram ang nasabing commercial pilot license na nakuha niya noong April 20, 2021. Ibig sabihin nito ay puwede nang kumita si Kevin bilang isang paid professional commercial pilot bukod sa pagiging isang private pilot.
Naging matiyaga si Kevin sa pagbalanse ng kanyang oras sa pag-aaral sa flight school at sa pag-aartista. Sinakripisyo raw niya ang kanyang pakikipagbarkada at paggigimik dahil gusto niyang makatapos at maging isang piloto.
Dahil sa kanyang tiyaga at sipag sa pag-aaral, naka-graduate pa bilang cum laude si Kevin sa kurso niyang Political Science sa Arellano University noong nakaraang March 2021.
Bukod sa Daddy’s Gurl, mapapanood din si Kevin sa upcoming GMA Primetime teleserye na Legal Wives.
Red Sternberg, nakikilala pa rin
Sa programang Tunay Na Buhay, sinabi ng ‘90s teen heartthrob at TGIS star na si Red Sternberg ang tunay na dahilan kung bakit niya iniwan ang showbiz noong 2001. “It was a combination ng burnout, tatlong TV shows, gumagawa ako ng dalawang pelikula. Everyday trabaho. Ako ‘yung tipong I never had a driver, wala akong P.A., lahat ako. I just felt na it was time to move on,” sey ni Red na kasalukuyang nagtatrabaho bilang general manager ng Panama City Beach in Florida, USA.
Higit 14 years nang nakatira si Red sa Amerika at may sarili na siyang pamilya. Inamin niya na hindi naging madali ang buhay niya sa ibang bansa at kung saan-saang State sila tumira ng kanyang misis at tatlong anak.
Minsan daw ay nami-miss din niya ang buhay-artista. Pero wala siyang regret na tinalikuran niya ang showbiz para sa isang normal na buhay sa ibang bansa.
Sa kanyang trabaho, wala raw siyang kinukuwento na dati siyang artista sa Pilipinas. Pero paminsan-minsan daw ay may nakakakilala sa kanya.“I think the last one was mga two weeks ago. Naka-mask pa nga ako eh, nakilala pa rin ako. Sabi niya, ‘Uy Red kamusta?’ Nag-iisip naman ako dahil ‘yung pagkakasabi niya parang kaibigan ko. I never talk about it. ‘Yung mga empleyado ko hindi nila alam,” sey ni Red.
Sumikat si Red noong 1995 dahil sa teen-oriented series na TGIS: Thank God It’s Sabado ng GMA-7 at Viva Television. Kasabay niyang sumikat sina Angelu de Leon, Bobby Andrews, Onemig Bondoc, Mike Flores at Raven Villanueva. Lumabas din siya sa mga TV shows na Growing Up, Anna Karenina at Sana Ay Ikaw Na Nga. Ginawa rin niya ang mga pelikulang Takot Ka Ba Sa Dilim?, TGIS: The Movie, Where D’ Girls Are, Silaw, Laging Naroon Ka, It’s Cool Bulol at My Pledge of Love.