Bata pa lang si Meryll Soriano ay nakikita ko na siya. Lagi kasi siyang kasama ng nanay niyang si Becbec ‘pag sinasamahan si Maricel Soriano sa Regal Films. Mabait na bata si Meryll, very friendly tulad ng nanay at auntie niya. At nakita ko na maganda ang pagpapalaki niya sa anak nila ni Bernard Palanca.
Now, usapan na naman ang naging anak nila ni Joem Bascon. Sana nga ay natagpuan na ni Meryll ang long time happiness sa piling ni Joem, at sana tumibay ang pagsasama nila lalo na ngayon na meron na silang anak.
Ang buhay naman natin, hindi talaga natin alam kung saan tayo dadalhin. Siyempre lahat tayo ay gusto ng maayos at tahimik na buhay, pero kung minsan hindi iyon ang nangyayari. Lahat din tayo nagta-try na ayusin kung may gusot sa buhay natin, pero kung minsan nga hindi sapat ang pag-try natin.
Nakita ko na mabuting ina ang isang Meryll Soriano, siguro naman ibibigay na regalo sa kanya ng langit na this time, ibigay naman sa kanya ang isang permanenteng partner sa katauhan ni Joem Bascon. Huwag nating husgahan ang relationship nila, huwag agad bigyan ng nega vibes. Ipagdasal natin na maging maayos at matagal ang pagmamahalan nila.
Go Meryll, fight for your happiness.
‘Lucky place’
Para kaming nag-throwback nina Jerry Olea at Gorgy Rula nu’ng Martes. Naalala ko tuloy na kaya ako sa Fairview nakabili ng bahay ay dahil naghahanap si Douglas Quijano ng bahay para sa bagong kasal na si Bembol Rocco na gustong mag-invest sa house and lot. Nakita ni Douglas ang ads ng isang subdivision na P30K ang down payment, payable for 20 years ang balance na P1K monthly ang hulog.
Bale house and lot, P120K ang presyo. Eh umuupa lang kami sa Sampaloc ng isang maliit na bahay, kaya sabi ni Douglas, bumili ako sa Fairview, tutulungan niya akong mag-ipon ng P1K a month na panghulog. Meron akong ipon na P30K sa bank, lifetime savings ko na winithdraw ko, para sa down payment.
Wala pang may kotse sa amin noon ni Douglas, kaya sa bus kami sumakay. All throughout ng biyahe, yakap-yakap ko ang bag ko, afraid na ma-snatch o ma-hold up. Pagkakita ni Douglas sa bahay, ayaw niyang bumili dahil para raw bahay ng ibon, pare-pareho at maliit. Sabi ko, “Dougs takot ako baka may mangyari sa pera kong dala, i-down payment ko na.” Na-convince ko sa pagbili si Dougs, kaya dalawa kaming nag-buy sa Fairview. Siyempre, pang middle class subdivision kaya wala pang ilaw, mga poste at parang probinsiya ‘pag gabi na.
At talagang every month, bantay-alalay ako kay Mother Lily Monteverde para sa monthly hulog ko. Now, almost more than 40 years na ako sa Fairview, ma-traffic na, at hindi na mukhang probinsiya dahil meron nang malls, schools, hospital, pero far pa rin dahil nga sa traffic.
Looking back, ang laki talaga ng utang na loob ko kay Mother Lily at Douglas, dahil kahit maliit ‘yung bahay, nagkaroon ako ng sariling akin dahil sa kanila. Kahit sabi ng mga anak ko, mukhang boarding house ang setup ng bahay, o malaking dog house dahil sa mga alaga kong dogs, love na love ko ang bahay at neighborhood ko sa Fairview.
Siguro, kahit mas ma-afford ko pa ang ibang bahay sa ibang lugar, dito na ako habambuhay, dahil I literally grew up here, parang dito na ako tumanda, all my dreams ay dito ko na nabuo at nakuha. It was a lucky place for me, a comfort place, I feel na parang kingdom ko ito, na ako ang queen, at everywhere I look reminds me of how grateful I am to Mother Lily and Douglas for having this place.