Ano ba ‘yan, tila natatalbugan ng mga artista ang mga pulitiko pagdating sa pamimigay ng ayuda sa mga naging biktima ng sunud-sunod na bagyo. Hindi raw ba dapat lang na mas lumutang ang mga pangalan ng mga pulitiko pagdating sa pamimigay ng tulong sa mga taong nagpaupo sa kanila sa puwesto?
Mabuti pa raw ang mga artista, kahit nagsara ang network nila ay gumaganti pa rin ng utang na loob sa mga tagahanga nila na tumulong para kumita sila ng malaking pera at nagbigay kasikatan sa kanila.
Ilan sa mga visible na mga artistang namigay ng ayuda ay sina Dingdong Dantes, Nora Aunor, Angel Locsin, Kim Chiu, Ivana Alawi, Ruffa Gutierrez, KC Concepcion at Willie Revillame na sakay pa ng sariling helicopter at marami pang iba.
Salamat sa mga taong taos-pusong tumulong at patuloy na tumutulong para makabangon ang mga kababayan natin.
DZRH broadcasters, sinuong din ang bagyo para tumulong
Dapat papurihan ang DZRH broadcaster na si Mae Binauhan na walang kapagurang sumugod sa Virac, Catanduanes noong kasagsagan ng bagyong Ulysses. Kasama niya si Sherwin Alfaro na namigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo.
Dahil sa hindi magandang panahon, kung saan nagliliparan ang mga yero at bubungan ng bahay sa lakas ng hangin, sa airport daw muna sila nag-stay.
Sunod naman nitong pupuntahan ang Cagayan at Isabela para tumulong din sa mga binaha.
Ang mga gaya ni Mae na patago ang pagtulong at hindi kailangan ng publisidad ang mas kailangan natin.
Nadia, feeling blessed pa rin
Isa sa sinuwerte si Ynna Asistio nang gawin itong bida sa teleseryeng Ang Daigdig Ko’y Ikaw, katambal si Geoff Eigenmann, na ipalalabas sa Net 25.
Maganda raw ang istorya kaya lang may mga komentong mukhang bawal ang kissing scenes.
Samantala, grabe rin pala ang hirap na sinapit ng pamilya ni Ynna lalo na si Nadia Montenegro noong bagyong Ulysses. Lumubog ang ibabang parte ng bahay nila at wala talagang naisalbang gamit.
Para kay Nadia, blessed pa rin sila ni Lord dahil niligtas sila ng pamilya niya at walang nangyaring hindi maganda sa kanila.