Isa sa naging birthday wish ng veteran actress na si Gina Pareño noong nakaraang October 20 ay matapos na ang COVID-19 pandemic para muling bumalik sa sigla ang local entertainment.
Miss na raw ng aktres ang magtrabaho sa TV at pelikula na kinasanayan na niya ng ilang dekada sa showbiz.
Sa edad na 73 ay pinagbabawalang lumabas si Gina at magtrabaho ng kanyang mga anak para sa kaligtasan ng kanyang kalusugan.
Kaya nang gawin niya ang Boys’ Love series na Quaranthings, sa bahay lang niya kinunan ang mga eksena niya gamit ang cellphone at laptop. Ito na kasi ang new normal taping sa ngayon. “Siyempre, sa una maninibago ka. Pero pagkatagal-tagal, mararamdaman mo yung umaarte ka sa cell phone, sa laptop, yun na ngayon ang new normal.
“Noong una, naiilang ako, pero pagkatagal-tagal, nae-enjoy ko na. Siyempre, katrabaho mo yung mga bagets. Aba, hindi naman magpapatalbog ang iyong Lola Gets kaya later on, enjoy na enjoy ako. Yan na ngayon ang new normal. Ngayon, kapag hindi mo sinabayan, aba, matetengga ka.”
Wala pa raw plano na magretiro ang award-winning veteran actress.
“Pag-arte talaga ang ginusto ko sa buong buhay ko. Kaya hangga’t nandiyan pa kayo, kinukuha n’yo pa ako, kasama kayong aarte.”
Isa si Gina sa ni-launch ng Sampaguita Pictures bilang isa sa members ng Stars ‘66. Mga kasabayan noon ni Gina ay sina Rosemarie Sonora, Sarah Calvin, Blanca Gomez, Loretta Marquez, Shirley Moreno, Dindo Fernando, Woody Cruz, Bert Leroy Jr., Edgar Salcedo, Pepito Rodriguez, Ramil Rodriguez.
Si Gina na lang ang naiiwang aktibo sa showbiz dahil karamihan ng mga nakasabay niya ay nagretiro na at yung iba ay sumakabilang-buhay na.
Lynda Carter, ginamit si Wonder Woman para sa pagboto
Natuwa ang maraming Wonder Woman fans dahil sa pag-recreate ng original Wonder Woman na si Lynda Carter via social media ang iconic twirl na ginagawa niya sa 1975 TV series para mag-transform si Diana Prince to Wonder Woman.
Pinost ni Lynda sa Twitter ang naturang video at umani ito ng million views at may important message pa ito na huwag kalimutang bumoto.
Ginawa raw ito ni Lynda para ma-promote at ma-encourage ang marami to help shape the direction of the United States for the next four years.