Muling nagbabalik sa TV5 si Ritz Azul kung saan naman siya talaga sumikat at nakilala sa pamamagitan ng artista search na Star Factor in 2010 at pagkatapos no’n ay naging isa sa Primetime Princesses ng Kapatid network dahil naipakita niya ang kanyang talento sa pag-arte sa mga project na ibinigay sa kanya.
Nang matapos ang kontrata niya sa Singko ay lumipat siya sa ABS-CBN at dito ay mas lalong na-hone ang kanyang acting skills.
Pero dahil nga sa hindi inaasahang nangyari sa ABS-CBN na hindi ito nabigyan ng bagong prangkisa, ilan sa mga Kapamilya star natin ang nabigyan ng oportunidad na makapagtrabaho sa TV5 at kabilang na nga rito ang homegrown talent ng network na si Ritz.
Kasama si Ritz sa bagong comedy show na Sunday Kada produced by Brightlight Productions ni Rep. Albee Benitez.
Sa Zoom presscon last Wednesday ay natanong ang aktres kung ano ang feeling niya now that she’s back to her former network. “Syempre, masaya ako na may oportunidad pa rin na ganito sa pandemic na nangyayari sa atin sa mundo ngayon. May oportunidad pa rin na makapagtrabaho, makapagbigay-saya. ‘Yun lang naman ang hinahanap natin ngayon,” ani Ritz.
Nilinaw niya na nang umalis siya sa TV5 para lumipat sa Kapamilya ay wala naman daw siyang tulay na sinunog. “Sa part ko naman bilang nanggaling din po ako sa TV5, tapos nag-Kapamilya ako, noong umalis naman po ako sa TV5, hindi naman ako nag-burn ng bridges. Masaya pa sila sa akin sa paglipat ko,” aniya.
Sa ABS-CBN naman daw ay napakarami niyang natutunan at kumbaga sa edukasyon, dito raw siya nag-college.
“Nun’g nasa Kapamilya naman na ako, du’n ako lumaki, du’n ako natuto. Kumbaga, para kang nag-college, tapos bigla kang umuwi uli. Parang ganu’n ‘yung feeling ko ngayon.
“Medyo masakit, mahirap, pero masaya pa rin, kasi same family at walang network wars ngayon. Lahat, para sa ikagaganda ng lahat, ikasasaya ng audience natin,” she said.
Bukod pa nga sa dati niyang network ang TV5, ang makakasama pa ni Ritz sa Sunday Kada ay mga kasama rin niya sa Banana Sundae sa ABS-CBN tulad nina Jayson Gainza, Sunshine Garcia, Badjie Mortiz pati na ang direktor na si Edgar Mortiz at isa pang anak na si Frasco. Kaya naman feeling at home na at home pa rin ang aktres.
Magsisimula na ngayong Oct. 18 ang Sunday Kada, 3 hanggang 4 p.m. Bukod sa mga nabanggit ay kasama rin sa comedy show sina Wacky Kiray, Miles Ocampo, Daniel Matsunaga, Jerome Ponce, Josh Colet and Jhen Maloles.