Si Michael Argente ay mas kilalang Kim Idol sa mga comedy bar na kanyang kinakantahan. Noong araw ay naging co-host din siya sa Eat Bulaga at tinatawag din siyang “kim dinosaur” dahil ginagaya niya ang ungol ng mga dinosaur noon mula sa pelikulang Jurassic Park. Napakabata pa ni Kim Idol, siya ay 41 lamang nang mamatay kahapon ng umaga sa MCU Hospital.
Noong magsara ang comedy bars kung saan siya nagpe-perform, si Kim ay nag-volunteer bilang frontliner sa COVID patient confinement area sa Philippine Arena. Si Kim ay member ng INC. Noong mga unang araw niya bilang volunteer frontliner, nagkukuwento pa si Kim na nagagawa nilang aliwin ang mga pasyente dahil kinakantahan niya at pinatatawa. Para raw nabubuhayan ng pag-asa ang mga pasyente, lumalakas ang loob at marami sa kanila ang naka-recover.
Pero mga limang araw na ang nakaraan, nakita na lang si Kim na nakabulagta sa kanyang tinutuluyang quarter sa Philippine Arena, umatake ang kanyang sakit.
Noon pa naman ay sinasabing may problema ang daloy ng dugo at oxygen sa kanyang utak. Noon pa nga raw pinatitigil si Kim na magtrabaho dahil masama sa kanya ang mapagod pero ayaw niya. Nang makita siyang walang malay, isinugod siya sa MCU Hospital kung saan siya namatay kahapon.
Madalas sabihin ni Kim noon na bilang entertainer, hindi lang nila inaaliw ang mga tao, pero sa pamamagitan ng ginagawa nila ay nakakatulong sila para makapag-relax ang mga nanonood sa kanila, tumawa at pagkatapos ay makapagtrabaho nang mas mahusay.
Bilang isang frontliner, sinasabi naman niyang gusto niyang makatulong, at nasabi pa niya minsan na kung sakaling mahawa siya ng COVID, ok lang at least may nagawa pa rin siyang makabuluhan bago matapos ang kanyang buhay.
Enzo pinagbubuntunan sa pag-yes ng tatay sa franchise ng Dos
Si Enzo Pineda ay unang nakilala nang sumali sa Starstruck ng GMA 7, pero nang makita siguro niyang mas may chances siya sa ABS-CBN, lumipat siya at naging talent ng Star Magic. Magaganda naman ang mga nakukuha niyang roles at mukhng kuntento siya sa network.
Noong magsimula ang problema ng network sa franchise, isa si Enzo sa mabilis na nanawagan para sa renewal noon. Hanggang sa huli, kasama siya sa laban. Pero ngayon binabanatan siya kasi ang tatay niya na congressman, si Enrico Pineda ng 1-Pacman party list, ay bumoto ng “yes” pabor sa pagbabasura sa application for franchise ng ABS-CBN.
Pero dapat ninyong intindihin, iba si Enzo at iba naman ang tatay niya. Hindi maaaring makialam si Enzo kung ano man ang magiging desisyon ng tatay niya sa kongreso. Hindi dahil hindi niya nakumbinsing pumabor sa kanyang network ang kanyang tatay ay kasalanan na niya iyon. Baka hindi nga alam ni Enzo kung ano ang magiging desisyon ng tatay niya bago iyon.
Mukhang mali naman na pagbuntunan ng sisi ng mga basher si Enzo. Siya mismo hindi naman niya kinalaban ang kanyang network. Kung sa kabila noon ay hindi niya nakumbinsi ng tatay niya na bumoto pabor sa network na kinabibilangan niya, hindi na niya kasalanan iyon.
Hindi naman dapat na nagsisisihan pa sila sa nangyari eh. Nangyari na iyon, ‘di umisip na lang sila ng paraan para sa kanilang network.