Hindi alam ng production staff ng isang TV show kung maawa ba sila o hindi sa dating mayabang na TV personality. Nagmakaawa raw kasi ito na isali siya sa show nila dahil matagal na siyang walang trabaho.
Nagulat na lang daw sila na biglang dumalaw ang TV personality sa kanilang office at may dala-dala pang merienda. Nakipagkuwentuhan hanggang binanggit nito na jobless siya for almost a year.
Dinaan pa sa pag-iyak ng TV personality ang mga nagaganap sa buhay niya na hindi maganda. Kinakapos na raw siya dahil ang naipon niya noong may regular job pa siya sa TV ay mauubos na.
Pero duda ang staff sa intensyon ng TV personality na ito. Noong katrabaho kasi nila ito, mayabang at walang galang ito sa ilang mga naging guests nila.
May isang guest nga raw sila na nag-walkout dahil sa ginawang pambabastos ni TV personality.
Kaya hindi nila alam kung nagbago na ba ang ugali nito o dinadramahan lang sila dahil kailangan nga niya ng trabaho.
Kung tutuusin, matagal na ngang hindi napapanood sa anumang TV shows ang TV personality. Malamang ay sumuko na rin sa magaspang na ugali niya ang dating pinagmamalaki niyang TV network na bibigyan daw siya ng kontrata. Pero walang nangyari kaya jobless na ito ngayon.
Paolo at Hans nag-reunion
Nagkaroon ng reunion ang former male hosts sa GMA-7 morning show na Unang Hirit na sina Paolo Bediones at Hans Montenegro.
Naging bahagi ng 20th anniversary ng UH ang mag-throwback sa mga dating naging bahagi ng kanilang show at kabilang na roon sina Paolo at Hans.
Nagsimula sa morning show na Mornings @ GMA si Paolo kung saan nakasama niya sina Ryan Agoncillo, Suzi Entrata at former Bb. Pilipinas-Universe (na binawian ng title) na si Tisha Silang.
Noong i-reformat ang show at gawing Unang Hirit noong 1999, naging bahagi rito si Paolo noong 2007.
“It’s amazing how some things have changed and some things have remained the same. Looking at you guys, iba pa rin ‘yung energy ninyo for the past 20 years and I’m so proud of you guys. And this morning show is very close to my heart kasi dito ako nagsimula,” sey ni Paolo.
Si Hans Montenegro naman ay kasama sa original gang ng UH in 2000 at nakarelasyon pa niya noon ang co-host na si Miss Universe 1999 1st runner-up Miriam Quiambao.
Oscar winner na si Cuba Gooding, Jr. inireklamo ng 22 babae ng sexual harassment
Pitong babae ang nagsalita na laban sa Oscar winner na si Cuba Gooding, Jr.
Mga naging biktima sila ng sexual harassment na galing sa aktor.
Sa mga na-file na court papers, may kanya-kanyang kuwento ang mga babaeng ito, na hindi magkakakilala, pero mga naging victims ng unwanted sexual contact mula kay Gooding Jr.
Isang babae ang nagkuwento na kinailangan niyang kagatin sa pisngi ang aktor para makawala ito sa mahigpit na yakap nito at may tangka siyang halikan nito sa lips.
Nangyari raw ito noong 2009 sa Sundance Film Festival.
Isang babae naman ang nag-claim that the actor groped her sabay na tinakot pa siya.
Noong 2016 naman, isang babae na kasama ang ilang mga kaibigan niya ang nilapitan ni Gooding Jr. sa Cafe Havana in Malibu at sinabihan niya ang mga ito ng, ‘You guys are peeing on me tonight.’
Ayon sa prosecutor ng kaso ni Gooding Jr.:
“Defendant’s past behavior shows that he routinely approaches women while at bars or nightclubs with whom he has had limited or no prior interaction, and touches them inappropriately.”
Sa kabuuan ay higit na 22 women na ang nag-accuse ng sexual misconduct sa aktor. Haharap sa korte si Gooding Jr. on January 22, 2020.