MANILA, Philippines — Simula noong nakaraang Martes (June 11), mapapanood na si Kara David bilang bagong host ng GMA News TV investigative news magazine program na Brigada.
Hindi na bago ang multi-awarded broadcast journalist sa nasabing programa. Naging researcher ni Jessica Soho si Kara sa Brigada Siete noong 1990s. Tinuturing ni Kara na mentor ang Kapuso news pillar noong nasa Brigada Siete siya.
Bilang broadcast journalist, nadiskubre si Kara nang hindi inaasahang ipa-cover sa kanya ang paglubog ng MV Kimelody Cristy noong 1995.
Isa sa mga tumatak na kuwento ni Kara sa Brigada ay ang kanyang dokyu sa Sitio Avocado, ang dating war-torn at NPA-infested area sa Negros Oriental. Naging saksi si Kara kung paanong ang unang batch ng mga nagsipagtapos dito ay nagbigay ng pag-asa sa mga residente upang umahong muli sa buhay.
Sa unang salang ni Kara bilang bagong Brigada host, pag-uusapan sa programa ang pinakahuling desisyon ng Korte Suprema tungkol sa pagtatanggal ng mga paksang Filipino at Panitikan sa curriculum sa kolehiyo. Hihimayin din ng Brigada ang tila lumalalang estado ng kakulangan sa guro.
Bagong kuwento. Bagong karanasan. Bagong henerasyon ng mamamahayag.
Huwag palampasin ang Brigada, tuwing Martes 8pm sa GMA News TV.