In fairness, nadagdagan ang mga nanood kahapon ng Sons of Nanay Sabel dahil sa pagdiriwang ng Mother’s Day na isang good sign bilang pagpapatunay na pinahahalagahan ng mga Pinoy ang mga nanay.
Ang nakakaloka, maliliit na bata, kasama ang kanilang mga magulang ang nakapila sa mga sinehan na pinagtatanghalan ng pelikula ni AiAi Delas Alas at ng Ex Battalion na nangangahulugan na malakas ang hatak nila sa mga bagets.
Hanggang ngayon, memoryado ng mga bata ang phenomenal hit song ng Ex Battalion, ang Hayaan Mo Sila.
At dahil mga bata ang fans nila, dapat na lalong pangalagaan ng Ex Battalion ang kanilang image at reputasyon. Iwasan na nila na masangkot sa mga cheap na isyu tulad ng pakikipag-away sa isang rapper na palaban din at hindi sila inuurungan.
Gladys bata pa lang, Kapuso na
Tuwang-tuwa si Gladys Reyes dahil may nagpadala sa kanya kahapon ng video ng isang guesting niya sa telebisyon, thirty-two years ago.
Naloka si Gladys dahil hindi nito expected na mahahalungkat pa ang malinaw na video niya sa Mother Studio, ang drama anthology ng Regal Films sa GMA 7 noong 2007.
Ang paglitaw ng video ng guesting ni Gladys ang proof na noon pa man, talagang Kapuso actress na siya.
Ten-years-old si Gladys nang umapir siya sa isang episode ng Mother Studio pero neneng-nene ang kanyang itsura.
Child star pa lang noon si Gladys dahil 15-years-old na siya nang magbida sila ni Judy Ann Santos sa top rating soap opera na Mara Clara.
Naaliw si Gladys nang mapanood nito ang video ng guesting niya sa Mother Studio na swak na swak sa Mother’s Day celebration kahapon.
Harlene marunong tumanggap ng pagkakamali
Nakakabilib naman ang pag-amin ni Harlene Bautista na nagsisisi ito dahil hindi niya kinonsulta ang limang anak nila ni Romnick Sarmenta nang magpasya siya na makipaghiwalay.
Bihira ang katulad ni Harlene na aamin sa kanyang pagkakamali.
Totoo na nasa huli ang pagsisisi kaya ang maunawaan ng kanyang mga anak ang naging desisyon niya ang Mother’s Day wish ni Harlene.
Hangga’t hindi raw naiintindihan o natatanggap ng kanyang anak ang pasya niya, ang maunawaan siya ng limang anak ang Mother’s Day wish ni Harlene sa mga susunod na taon.
Matatalino ang mga anak nina Harlene at Romnick. I’m sure, darating ang araw na maiintindihan nila ang desisyon ng kanilang ina. Baka sobrang bilis lang ng mga pangyayari kaya nawindang sila nang hiwalayan ni Harlene ang tatay nila.
Bukod sa marunong tumanggap ng pagkakamali, very honest at sincere si Harlene dahil sinasagot nito ang lahat ng tanong ng mga reporter. Hindi siya marunong mag-deny at hindi uso sa kanya ang mga off the record na sagot. Iilan na lang ang mga artista na kagaya ni Harlene kaya love na love siya ng entertainment press.
‘Wag sayangin ang boto!
Go out and vote ang appeal ko sa mga kababayan natin. Rain or shine, pumunta kayo sa mga polling place at huwag sayangin ang karapatan ninyo na bumoto.
Maaga ako na boboto ngayon at wish ko lang, hindi mataas na hagdan ang aakyatin ko para hindi ako hingalin.
Ayoko nang maranasan ang nangyari noong huling eleksyon na hiningal-hingal ako sa pag-akyat sa mataas na hagdan ng school na pinuntahan ako.
Hindi ako nag-iisa dahil marami rin ang mga senior citizen na nagdusa sa mainit na panahon at pag-akyat sa mataas na hagdan para lang makaboto sila.Malalaman ko ngayon kung inilagay na sa ground floor ang poll precinct para sa mga senior citizen na kagaya ko.