MANILA, Philippines — May pagkakataon nang mamuhay bilang Asia-novela star ang mga ‘ACnatics’ o fans ng Asianovela Channel sa paglulunsad ngayong Mayo ng Faney Avenue, ang kauna-unahang daily lifestyle-reality show para sa kanila.
Tampok sa show na eere mula Lunes hanggang Biyernes ang aktres at komedyanteng si Alora Sasam bilang host. Dito mararanasan ng mga maswerteng ‘ACnatic’ ang magdamit, mag-make-up, kumain ng samu’t saring pagkain na kanilang kinagiliwan sa kanilang paboritong Asianovela series.
Bawat araw, may kakaibang fun experience para sa fans: kanilang mababalikan ang paboritong lokasyon ng mga eksena sa Asian series sa ating sariling mga tanawin tuwing Lunes; may chance naman lumikha ng symbolic items mula sa iba’t ibang Asian Series tuwing Martes; makapagbibihis naman sila tulad ng kanilang favorite drama idol tuwing Miyerkules; pwede naman maging trending celebrity tuwing Huwebes; at ma-e-enjoy nila ang iba’t ibang pagkain mula sa pinakamamahal nilang Asian drama.
Samantala, dapat namang abangan ng viewers ang isa pang bagong programang puno ng plot twists, ang nakakaantig na Asian remake ng The Good Wife, na unang ipapalabas sa Philippine TV via Asianovela Channel.
Ito ay tungkol sa dramang umiikot sa buhay ng isang abogado at ang asawa nitong nasangkot sa isang eskandalo sa pulitika. Ipapalabas ito mula Lunes hanggang Biyernes simula Mayo 20 (7:00 AM), mayroon din itong replay tuwing hapon (12:00 PM) at sa Mayo 25 (11:00 PM).
Mapapanood namang muli ang mga Asianovela hit tulad ng marubdob na pagsasabuhay ng South Korean historical drama na Hwarang (Lunes hanggang Biyernes simula Mayo 27 ng 5:00 AM, na may replays sa Hunyo 1 at 2 ng 7:00 AM) at ang makulit na romcom na I Am Not A Robot, (Lunes hanggang Biyernes simula Mayo 27 ng 10:00 AM, at 3:00 PM, at may replays sa Mayo 25 at 26 ng 11:00 AM).
Tumutok lang sa Asianovela Channel, ang ultimate fanbayan on free TV, para mapanood ang Faney Avenue at marami pang palabas.