Noong una, si Sunshine Cruz ang nagreklamo nang may isang beauty product na gumamit sa kanyang pictures na akala mo siya ang endorser ganoong wala naman siyang permiso. Kung hindi pa nagreklamo si Sunshine, aba ayaw pang alisin ang kanyang picture.
Ngayon ang ginamit naman ay picture ng namayapang komedyanteng si Chokoleit, at may sinasabi pang siguro kung uminom ang komedyante ng kanilang herbal preparations baka buhay pa iyon.
Ang lupit naman noong hindi lang picture ng namatay na tao ang ginamit, para pa siyang sinisisi na hindi uminom ng kanilang ibinebentang gamot. Una, walang pahintulot ang sino man na gamitin nila ang picture at pangalan ni Chokoleit para sa kanilang produkto. Pangalawa kung sinasabi nila na nakagagaling nga ang kanilang produkto, dapat iyon may nakalagay na permiso mula sa Bureau of Food and Drugs. Ikatlo, talaga bang iyang mga retailer na iyan sa internet pinapayagan nang ganoon na lang?
Hindi natin alam kung may business permit man lang ang mga iyan. Hindi mo rin alam kung saan sila hahabulin kung sakaling makasama ang kanilang ipinagbibili, kasi on line nga lang ang bentahan.
Siguro nga iyong mga tamad diyan bumibili dahil wala na silang pagod, pero oras na makatiyempo sila ng malokong retailer at binigyan sila ng sirang produkto ano nga ba ang gagawin nila? Ang dami na naming nakausap na biktima ng on line shopping. Bumibili ka nang hindi mo nakikita ang produkto eh. At masama nga, gumagamit sila ng pictures ng mga artista nang walang pahintulot.
Iyon lamang paggamit ng pictures ng mga tao nang walang pahintulot, mali at matatawag na ngang unethical practice. Kung ganoon na rin lang, bakit pa kayo bibili ng mga ganyang produkto?
Iyong mga produktong legal, makikita ninyo sa lehitimong media, kagaya ng mga diyaryo. Hindi iyong nakikisingit lang sa mga social media platforms sa internet.
BB Gandanghari hindi pa nakaka-recover sa bully!
Isipin ninyo, wala sa Pilipinas si BB Gandanghari, o Rustom Padilla. Nasa US na siya simula pa noong magdeklara siyang siya ay isang babae na. In fact nakakuha siya ng court decision sa US para maging female at ganap nang palitan ang kanyang pangalan bilang si BB Gandanghari.
Noong una siguro, naisip niya mas matatanggap siya sa Amerika bilang transgender kesa dito sa Pilipinas. Pero ganoon pa rin ang kinabagsakan niya, na-trauma siya at kailangang dalhin sa ospital dahil sa pambu-bully sa kanya sa trabaho niya, dahil siya nga ay isang transgender.
Hindi pa rin kasi talagang totally tanggap ng publiko ang mga baklang nagba-babae talaga. Mukhang dito nga lang sa atin, sa showbusiness particularly, tanggap na tanggap iyang mga bakla. Pero sa ibang industriya, hindi pa talaga. Masyado kasing maagang nagladlad si Rustom.
Q.C. International Filmfest pinaglaban ni Joy
Maraming indie filmmakers ang natatakot ngayon, na baka raw kung hindi si Vice Mayor Joy Belmonte ang maging mayor ng Quezon City, mabasura na ang kanilang Quezon City International Film Festival, na nagbibigay sa mga local indie nang pagkakataong makahanay ang ibang mga independent films mula sa abroad.
Aba eh si Vice Joy ang nagsimula niyan eh, kung hindi nga siya ang magiging mayor tiyak na ibabasura na iyang festival na iyan. Baka hindi ninyo alam kung papaanong ipinaglalaban ni Vice Joy iyan, lalo na sa mga sinehan.
Kaya ngayon all out sila kay Vice Mayor Joy.