Hindi na namin matandaan kung kailan kami huling kini-labutan talaga. Pero noong isang araw, nang makita namin ang video na iyon, talagang kinilabutan kami. Hindi namin alam noong una kung sino eh. Nakaputing long sleeves iyong lalaki, naka-suot ng sunglasses. May sinasabing hindi namin maintindihang mabuti kasi mahina ang boses tapos parang malakas ang hangin kung nasaan siya.
Tapos may parang binilinan siya na parang ang pangalan ay Mel, na ang sabi niya “paki-alagaan na lang si Pochito”. Tapos sinabi niyang “here we go. Here I go”. Sabay tumalon siya at kitang-kita habang nahuhulog siya mula sa itaas ng building. Hindi namin mawari kung hawak niya ang cell phone na kanyang ginamit sa live streaming, kaya habang bumabagsak siya ay nakikita pa rin nang live. Nangyari iyon bago mag-alas diyes ng umaga noong Martes, Enero 16.
Makaraan ang isang oras at saka lang namin nalaman na ang nakita pala namin ay si Brian Velasco, drummer ng bandang Razorback. Nangyari iyon sa isang condo sa Vito Cruz. Mula sa 34th, floor ay bumagsak siya sa isang canopy sa ibaba. Wala namang ibang nadamay. May nakakita rin palang isang kapitbahay niya sa nangyari. Siya ay 41 years old lamang.
Sa kabila ng mga ebidensiya, ayaw sabihin ng Manila Police na iyon ay isang kaso ng suicide, dahil wala naman daw suicide note, hanggang sa nakausap nga nila ang isang kapatid niyang lalaki na nagsabing totoo na si Brian ay dumaranas ng matinding depression.
Nagsimula raw ang pagiging malulungkutin ni Brian mga ilang buwan na ang nakararaan nang mamatay ang kanyang alagang aso, si Alfie. Hindi rin nila masabi kung may iba pang dahilan ang kanyang matinding depression, pero wala naman daw naghinala na magagawa niyang tapusin ang sariling buhay.
Iyong kanyang pamilya ay humingi ng privacy. Mabilis namang inalis ng Facebook ang nasabing video dahil labag ang mga ganoong videos sa kanilang community standards, at para huwag na ring makita ng iba. Pero may sinasabing may mga nakapag-download din daw noon bago naalis ng Facebook kaya may kumalat pa rin dalawang oras pagkatapos ng insidente.
Ang mga labi naman ni Brian ay dinala sa Funeraria Paz sa Parañaque. Bumuhos ang pakikiramay mula sa mga taga-industriya ng musika sa bansa, lahat ay nagsasabing isang mahusay na musician si Brian at malaking kawalan ang kanyang maagang pagyao.
Si Brian ay naging drummer ng Razorback si-mula pa noong 1996, nang palitan niya ang orihinal na drummer ng grupo na si Miguel Ortigas, na noon ay na-link naman sa aktres na si Dawn Zulueta.
Wala pa ring statement ang pamilya ni Brian sa pangyayaring iyan, at saka sana igalang na lang ng lahat ang kanilang hinihinging privacy sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Marami na ring ganyang pangyayari. Mahigit na isang taon lamang ang nakakaraan, isang male mo-del naman ang sinasabing “nahulog” din mula sa terrace ng condo ng kanyang girlfriend sa Quezon City. May pangyayari ring isang male television dancer ang “nahulog” din mula sa condo sa may Timog at namatay din. Pero itong huli ay kakaiba dahil nag-live streaming pa si Brian ng kanyang ginawang pagbawi ng kanyang buhay.
Palagay namin, dapat mas dumami pa ang mga grupong tutulong sa mga taong depressed. Diyan siguro dapat magtulungan ang gobyerno at ang simbahan. Kailangan iyan, ngayon na.