Nagulat kami noong isang hapon nang biglang online si Sunshine Cruz at nakipag-chat pa nang mahaba. Sabi niya, ayaw na raw muna niyang maglalabas sa ngayon dahil natatanong lang siya tungkol sa mga bagay na ayaw naman niyang sagutin dahil sa totoo lang wala naman siyang kinalaman. Kahit na raw kasi saan siya makita ang itinatanong sa kanya ay tungkol sa mga taong actually wala nang kinalaman sa kanyang buhay.
Aminado naman si Sunshine, sa ngayon ay masaya siya sa katayuan ng buhay niya. Masaya siya dahil hindi man masabing naibibigay niya ang lahat ng luho, naibibigay naman niya kung ano man ang pangangailangan ng kanyang mga anak kahit na mag-isa lang siya.
Aminado rin siya na may mga bagay na gusto sana niyang gawin pero hindi pa niya masimulan kasi nga may mga inilaan siyang pera noon na nawala nang parang ganoon na lamang, at hindi na naisauli sa kanya ng nanghiram. Umasa siyang maibabalik pero mukhang malabo na.
Inaamin niya na siguro nga ang isa sa nagpapagaan ng kanyang mga problema ngayon ay ang katotohanang happy naman siya sa kanyang love life. Inaamin na niya ngayon ang relasyon niya kay Macky Mathay, bagama’t hindi pa naman daw nila napag-uusapan ang kasal hanggang hindi talaga nailalagay sa ayos ang lahat.
Ang importante sabi nga ni Sunshine, sa palagay niya ay nakatagpo siya ng isang magmamahal hindi lamang sa kanya kung di ganoon din sa kanyang mga anak.
Hindi na nga naman mahalaga ang damdamin niya. Kung iisipin maaari namang mabuhay na lang siyang mag-isa habang buhay, kung hindi nga lang siya nakakita ng isang taong nagmamahal din sa kanyang mga anak.
Happy naman si Sunshine sa ngayon, lalo na nga sa mga babies niya. Tatlo ang anak ni Sunshine, at masasabi ngang isa lang ang tatay ng mga iyon.
MMFF pinagkakakitaan lang?!
May mga taong masasabi mo ngang “Johnny come lately” na kung magsalita akala mo ang gagaling nila. Iyan daw Metro Manila Film Festival, ginawa hindi para sa magandang pelikula kung di para kumita.
Linawin natin iyan ha. Ang MMFF, kaya ginawa ni Mayor Antonio Villegas ng Maynila ay para maipalabas naman ang mga pelikulang Pilipino sa mga malalaking sinehan, na noon lahat ay naka-kontrata sa mga major foreign film distributors. Ang MMFF ay sinimulan ng PMPPA (Philippine Motion Pictures Producers Association), na ang layunin ay tulungang mapondohan ang Mowelfund na siya namang tumutulong sa mga manggagawa sa industriya ng pelikula. Ngayon hindi lang Mowelfund ang kumukuha diyan ng pondo, pati na rin ang iba pa.
Ano ang sinasabi ninyong magagandang pelikula ninyo, iyong mga indie? Eh hindi ba napakarami nang festival ng mga indie. May ginawa pa nga na hindi lang Metro Manila, buong Pilipinas obligadong maglabas ng mga indie. Kumita ba?
Maliwanag na ayaw ng publiko sa sinasabi ninyong “magagandang pelikula” ninyo. Kung gusto ng tao iyan, eh ‘di sana kumita ‘yan.