Kakatuwa ang balitang narinig namin kahapon ng umaga. Hindi ang artista, kundi ang nanay at tatay ng artistang si Hiro Peralta ang nahuli dahil diumano sa droga. Nahuli umano ang mga ito sa Quezon City, at nakuha sa kanila ang hinihinalang mga pakete ng shabu.
Ikinakaila nila, lalo na ng nanay ng male star na sa kanila ang shabu, pero noong makita namin sa telebisyon, nasa presinto na sila. Ibig sabihin kung nasa presinto na “nakapag-piano” na sila. Nakunan na ng finger print.
Wala namang statement mula kay Hiro tungkol sa kanyang mga magulang.
Bakit nga ba nangyayari ang mga bagay na ganyan ngayon?
Social media marami nang nagkalat na bayarang trolls!
Kagaya nang inaasahan namin, lumabas na magkaiba nga ang ratings na nakuha ng dalawang Sunday noontime show mula sa magkaibang survey firms.
Lamang ang ratings noong Sunday PinaSaya habang doon naman sa inilabas ng isa, mas lamang ang nag-reformat na ASAP.
Ganoon naman talaga eh, laging lamang ang ABS-CBN sa Kantar Media Service. Siguro maganda ring mai-note natin na ang ABS-CBN lang ang kliyente ng Kantar dito sa ating bansa. Ang lahat ng ibang networks ay nasa Neilsen kung nagpapahanap man sila ng survey.
Nagkakapareho lamang ng ratings ang dalawang iyan kung talagang sasabihin mong malaki ang agwat ng audience share. Ganoon pa man, mayroong isa sa kanila na kahit na talung-talo ang show, idinidikit pa rin naman kahit na papaano ang ratings doon sa kalabang show, ang katuwiran ng iba, iba naman kasi ang kanilang survey areas.
Ang survey kung tutuusin, representative number lamang iyan. Hindi nangangahulugan na ang mas may mataas na ratings ay mas pinanonood ng marami. Isipin ninyo, ilang milyon ang populasyon ng Pilipinas at ilan diyan ang nanonood ng TV. Iyang mga survey, karaniwan sinasabi mayroon lamang silang mahigit na isanlibong samples. Ang layo ng ratio kaya hindi ‘yan dapat maging batayan ng pagtatalo.
Ang dapat na batayan ng pagtatalo ay ang quality ng show. Alin ba talaga ang mas mahusay? Alin ang mas maganda? At hindi mo rin mapagbabasehan diyan ang social media, dahil tanggapin natin, talamak naman sa social media ang “paid trolls”. Ang social media ngayon tadtad na ng pralala.
Sila-sila rin mismo ang gumagawa ng maraming accounts sa iba’t ibang social media platforms para mabola ang mga taong mas maganda ang kanilang shows. At diyan lamang ang mga lehitimong kritiko.
Starlet na gurang at bagets huling nanggaling sa ‘tsugihan’
May nakakita sa isang female star at TV host na pakubling lumalabas sa isang “private place” diyan sa may E. Rodriguez Avenue sa Quezon City, at nakilala ng nakakita ang kasama niya na isa raw “receptionist” sa isang gay bar sa Timog. Ang female star, nasa mahigit kuwarenta na. Ang kasama niyang lalaki, sinasabi ng sources na siguro mga bente anyos lang.
Hindi naman natin masasabi na kung nakita man silang pakubling lumalabas sa nasabing “private place” ay may ginawa na silang hindi maganda, pero mas ok sana kung sa bahay na lang sila nagpunta, hindi sila pagdududahan. Pero hindi naman daw puwede dahil nandoon sa bahay ang mga anak ng female star. Mas mahalay nga naman kung uuwi siyang “may take home”.