“Every body is talking about the good old days, the good old days, the good old days. Let us talk about the good old days,” ang panimula ni Rico J.Puno sa kanyang hit song, isang adaptation ng kantang The Way We Were. Bagong idea iyon sa adaptation, kasi ang orihinal na kanta, hinaluan ng lyrics na Tagalog at si Rico ang unang gumawa noon.
“Kahit na pangit ka pa baby, iniibig kita,” sabi naman niya sa adaptation ng kantang You Don’t Have To Be A Star.
Noong una nakataas ang kilay ng mga nasanay sa traditional Pinoy music. Hindi ganyan ang lyrics ng mga awiting Pinoy, pero wala silang nagawa dahil nagustuhan ng publiko si Rico at hindi maikailang nakapila ang mga tao sa kalye sa Raon, na kung tawagin noon ay “local tin pan alley” dahil iyan ang bilihan ng mga plaka.
Si Rico ay naging isang napakalaking hit. Kung sabihin nga siya ay isang local music sensation.
“Kapalaran kung hanapin di matagpuan, at kung minsan lumalapit nang di mo alam,” sabi ng isa pa niyang kanta. Ang kantang iyon ay imposibleng hindi mo marinig sa mga sing along bars noong araw.
Ang tindi talaga ni Rico J., at sa tuwing may concert siya, aba eh laging puno. Hindi lang concerts ha, halos gabi-gabi may mga show siya sa mga music bar, at basta nakalagay ang pangalan ni Rico J. asahan mo puno ang lugar kahit na naniningil pa ng entrance at tinataasan nila ang presyo ng beer.
Si Rico ang taong hindi nakakalimot. Madalas tinutukso pa niya kami sa mga naging kuwento namin noong araw na una kaming nagkakilala. Natatandaan niya ang lahat ng mga taong nakasama niya sa kanyang career. Detalyado iyon at laging may katatawanan.
Halos kasabayan namin si Rico. At dami rin naming kuwentong siguro nga hindi naman namin masusulat na lahat. Hindi namin namamalayan ang panahon, 65 years old na pala si Rico.
Noong Linggo, isinugod si Rico sa St.Luke’s Hospital sa BGC nang muli siyang atakihin sa puso. Iyong sakit niya sa puso ay kumplikasyon ng diabetes niya. Nauna riyan, naoperahan na siya. Nagpa-bypass na siya noon pa. Kamakailan dahil mahina na talaga ang puso niya, kinabitan pa siya ng pacemaker. Pero ang sabi ok naman siya. Kaya nga may naka-schedule pa siyang concert sa Solaire sa buwang ito, kasama pa sana sina Giselle at Marissa Sanchez.
Sabi pa ni Rico, kakantahin niya lahat ng kanyang mga hit song, pero may mga babaguhin sa areglo dahil kasama nga niya ang dalawa.
Marami ang nag-aabang sa kanyang concert, pero hindi na nga matutuloy. Pumanaw na si Rico J. noong Martes ng madaling araw, dahil sa kanyang sakit sa puso.
Mabilis ang pagluluksa ng industriya ng musika sa ating bansa. Malaking kawalan si Rico J.
Kung aalisin si Rico J., isang era sa history ng ating musika ang mabubura. Kahit na sa mga susunod pa sigurong henerasyon, kahit na ang mga hindi pa ipinanganganak ngayon, ewan namin kung hindi maririnig ang kanyang mga awitin, at magugulat sa mga sinasabi niyang “namamasyal pa sa Luneta, kahit walang pera”.
“Ang tao’y marupok kay daling lumimot sa Diyos na ang lahat, siya ang nagdulot,” sabi pa niya sa isa niyang kanta. Pero iyon ang hindi nagawa ni Rico. Sa kabila ng kanyang kasikatan, nanatili siyang tapat sa Diyos at sa kanyang relihiyon. Kaya naman naniniwala kami na ngayon, may gagawin pa siya, ang awitan ang Diyos sa langit.