Magaling palang artista si Long Mejia, ang akala ko ay ang pagiging komikero lang ang alam niya dahil pagdating sa pagiging komedyante hindi siya pahuhuli sa mga comedian na tulad na lang nina Panchito, Babalu, Cachupoy, Chiquito, Dolphy at iba pa.
Puro magagaling ang mga ito, mga ‘icon’ kung tawagin. Ganunpaman, hindi man kasing sikat si Long ng mga nabanggit na komedyanteng pumanaw na, pangarap pa rin niya na maging katulad nila. Sila raw kasi ang pinaghuhugutan ng pagpapatawa ni Long, wala pa man siya sa industriya ng showbiz, idol na niya ang mga ito.
Marami pa raw siyang dapat pag-aralan at bigas na kakainin (pero isasaing daw muna niya) para mapantayan ang limang original na komikerong idol niya.
May isa pang talento si Long na hindi natin alam, hindi lang pala pagpapatawa ang kayang gawin ni Long, maging sa pagpapaiyak din ay kinarir niya.
Naiyak ako doon sa episode niya na napanood ko sa Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN, hosted by Charo Santos Concio, titled Luneta.
Kuwento ito ng isang ama na may mataas na pangarap para sa kinabukasan ng kanyang mga anak pero napahilaway sa kanyang asawa. Ang galing umiyak doon ni Long, kaya pati mga nanonood ay umiiyak din (kasama na ako), di ko namalayan na tumulo na ang luha ko.
Feel na feel mo talaga na inspired sa role niya si Long dahil sa kabila ng pagiging komedyante at masayahin niya ay nakaranas din siya ng hirap ng buhay. Sabagay, mas iyakin daw ang komedyante at mas magaling magpaiyak. E, korte pa lang ng mukha ni Long, maaawa ka na sa kanya.
Lito napasubo sa Ang Probinsyano
Mas gusto pala ni dating Sen. Lito Lapid na magbuhay farmer sa kanyang sariling lupain, kaya lang ang pagiging dugong artista niya ay umiiral pa rin kaya napasubo na raw siya sa FPJ’s Ang Probinsyano, at gusto rin naman daw niya ang kanyang role. Marami ang mga ka-friendship ni Lito ang nagtatanong kung wala na daw ba siyang balak tumakbo ulit sa eleksyon 2019 at kung meron man ay sa anong position. Marami kasing malalapit kay Lito ang mga natulungan niya noong nasa Senado pa siya, kaya naman nagnanais silang malaman kung ano ang plano niya sa darating na eleksyon. Hoping na mabasa ni Lito ang column natin para masagot niya ang tanong ng ating mga ka-friendship. Yun lang!
Mayor Dan tinutukan ang mga baku-bakong daanan sa Golden City
Bilang ama ng Sta. Rosa, Laguna, ang magiting at guwapong si Mayor Dan Fernandez ay hindi nagpapabaya sa kanyang tungkulin bilang lingkod-bayan sa mga taong nagbigay at nagtiwala sa kanyang kakayahan at para matugunan ang pangangailangan ng kanyang mga kababayan. Kaya nga siya na yata ang pinaka-workaholic na mayor ng Laguna bukod kay Mayor Maita Ejercito ng Pagsanjan. Isang umaga nga, nagulat ang mga taga Brgy. Dila na pinamumunuan ni Chairman Peping Cartano, walang kaabug-abog kasi nilang nakita si Mayor Dan sa bukana ng Golden City para alamin ang dahilan ng pagkakaroon ng traffic sa nasabing lugar. Kabilaan ba naman kasi ang mga malalaking grocery, mga ilegal na kainan at samu’t saring negosyo sa gilid ng daan kaya hindi maiiwasan ang trapik sa lugar. Marahil nakarating kay Mayor Dan ang sumbong kaya agad siyang nagpunta, hindi pa nga siya agad napansin ng mga taong nandoon. Pero nang makilala siya ay agad naman siyang binati at nilapitan, ang iba pa nga ay nakipag-selfie pa.
Nagbunga ang pagdalaw ni Mayor Dan na iyon two weeks ago, kaya ngayon, maayos na ang lugar. Inalis na ang mga maliliit na tindahan sa side walk, sementado na ang baku-bakong daan, malinis na ang magkabilang kanal at mayroon na ring traffic enforcer na nagti-ticket sa mga pasaway na drivers ng anumang sasakyan.
Female contestant sa TNT, malakas ang tama kay Ryan
Grabe ang tama kay Ryan Bang ng isang female contestant sa Tawag Ng Tanghalan sa It’s Showtime ni Vice Ganda with co-host Anne Curtis, Vhong Navarro, Amy Perez, and Mariel Padilla.
Dream ng girl na makita in person ang Koreanong aktor, kaya siya nagpilit mag-audition at pinalad namang nakalusot. Hindi makatingin ng diretso si ate girl kay Ryan at feel na feel mong may something talaga siya. Sabagay, handsome naman talaga si Ryan kahit na nga bulol sa pagsasalita ng Tagalog. Malaki ang naitulong ng PBB (Pinoy Big Brother) sa kanya at siyempre, mas super lucky siya dahil sa kanyang Mommy Vice Ganda na sa simula’t simula ay hindi siya pinababayaan. Well, mabait kasing tao si Ryan, never lumaki ang ulo o naging mayabang, kaya naman ang pagpapala ng Diyos ay umaayon sa kanya.