Bagama’t hindi nga siguro masasabing taga-showbiz talaga, marami pa rin ang nalungkot nang mabalitang yumao na ang fashion czar na si Pitoy Moreno noong Lunes. Pinagtatalunan pa ang kanyang edad ng yumao, pero mas gusto naming paniwalaan ang kanyang pamilya na nagsasabing siya ay 92 na. Alam naman ninyo noong araw, lahat halos ng personalities, may tinatawag na screen age.
Malaki ang kontribusyon ni Pitoy sa local film industry. May panahong ambisyon ng lahat halos ng mga artistang babae na makapagsuot ng isang gown na gawa ni Pitoy sa pagpunta nila sa mga awards night na noong panahong iyon ay itinuturing na isang mahalagang event at pinaghahandaan talaga kung ano ang kanilang isusuot. Ngayon ay may makikita kang naka-jeans at sneakers sa ginaganap na awards night.
Kabilang sa mga modelo niya noong araw sina Maritess Revilla, Marianne dela Riva, at marami pang ibang beauty queens na nang malaunan ay naging mga artista. Iyon din ang panahong ang mga beauty queen ay mula sa mga mahuhusay na pamilya. Walang kalyeherang beauty queen noong panahong iyon, at basta sinabing “modelo iyan ni Pitoy”, aba eh tapos na ang laban.
Si Pitoy ay kinikilala ring isang national artist, dahil naideklara naman siya talaga, pero napigil ang confirmation dahil sa isang kasong isinampa sa Supreme Court. Pero sinasabi nga, nadamay lang naman siya dahil hindi siya ang talagang target nung mga nagsampa ng kaso.
Matagal na rin namang may sakit si Pitoy. Matagal na rin ang kanyang Alzheimer’s disease. Labas-pasok na rin siya sa ospital. Pero marami pa rin ang nagsasabing nabigla sila, at nakadama ng matinding panghihinayang sa pagkawala niya. Ngayon may nagsasabing dapat daw i-confer na kay Pitoy “posthumously” ang kanyang national artist title.
Diego inaabangan kung gagastusan sa pelikula
Aywan nga ba kung bakit sinasabi nilang ang inaabangan daw ng mga kritiko diyan sa pelikulang Mama’s Girl ay hindi ang gumanap na nanay na si Sylvia Sanchez, o ang gumanap na daughter na si Sofia Andres, kung hindi si Diego Loyzaga.
Masasabing baguhan si Diego at kahit na nakikita na rin naman siyang umaarte sa kanyang mga TV show na ginagawa, iba pa rin ang makita siyang umaarte sa isang pelikula. Iba rin iyong masabi na may batak ka sa pelikula. Sa TV kasi ay hindi masyadong pinapansin ang mga bagay na iyan dahil libre lang naman ang panood sa telebisyon.
Sa pelikula, malalaman talaga kung panonoorin ka pa rin ng mga tao kahit na may bayad na.
Malalaman natin iyan ngayong palabas na ang Mama’s Girl sa mga sinehan.
Aktres kabado, sugar daddy na negosyo ang droga kandidato sa tokhang!
Takot na takot daw ngayon ang isang female star nang malaman niya na ang kanyang “sugar daddy” na siyang nagsusustento sa kanya kahit na walang nangyayari sa kanyang career ngayon ay involve pala sa drugs. Papaano nga naman kung mahuli iyon? Mawawalan na siya ng supporter. Mas masakit kung mahuli iyon na kasama siya dahil tiyak damay pa siya.
Kasi naman eh, hindi pa tigilan iyan.