Nagbunga ng maganda ang kontrobersiyang nilikha ng 2016 Metro Manila Film Festival matapos dinggin sa Senado ang pagkatay ng aso sa entry na Oro.
Nagkaroon ng balasahan ng members ng Executive Committee sa launching ng 2017 MMFF na itinaon sa birthday ng MMDA Chairman Tim Orbos last Tuesday. Merong bagong talaga at meron namang tinanggal.
In fairness, well represented ang ang iba’t ibang sector ng mamamayan sa bagong itinalagang members ng execom mula sa kinatawan ng movie industry, academe, government, media at private sector professionals.
Sa film industry, nangunguna sa bagong appointee sina Congresswoman Vilma Santos-Recto at Senator Grace Poe Llamanzares.
Idagdag riyan sina MTRCB Chairperson Rachel Arenas, Film Development Council of the Philippines Mary Liza Diño, producers Marichu Maceda, Wilson Tieng, Jesse Ejercito, Boots Anson-Rodrigo, Mel Chinglo, Jose Romero IV, at Noel Ferrer.
Sa pagpili ng entries, ang de kalidad subalit commercially-viable movies ang criteria na paiiralin ng MMFF.
May pagbabago man sa members ng Execom, palitan din ang ilang members ng Selection Committee na nagdudunung-dunungan sa pagpili ng kalahok, huh!
Pwera Usog swak daw sana sa festival
Bidang-bida ang dating ni Kiko Estrada sa Regal horror movie na Pwera Usog. Panalo ang winning moment niya sa bandang huli ng Jason Paul Laxamana movie at naitawid niya ang kanyang performance.
Unang sabak ng writer-director na si Laxamana sa horror genre. Hindi naman siya nabigo dahil Grade A agad ang ibinigay ng Cinema Evaluation Board sa unang niyang tangka.
Mabagsik ang gulat factor sa mga eksena, hanep ang special effects at akmang-akma ang music at sound effects lalo na nu’ng malapit nang matapos ang pelikula.
Maging ang mga stars ng movie ay umarte talaga to think na medyo baguhan sila sa industry.
Bagay kay Sofia Andres ang role na malditang anak. Pero sa moment niyang nagsisisi, meron din naman siyang ibubuga sa madamdaming eksena.
Guwaping man ang dating ni Joseph Marco sa screen, kumakawala rin siya minsan sa pagpapatawa na sumakto naman sa eksena niya.
Of course, revelation dito si Devon Seron. Tama lang na siya ang napiling taong grasa na possessed ng evil spirit. Pasado na rin ang baguhang si Cherise Castro pati na si Albie Casiño kahit maiksi lang ang role nila.
Isa sa kaabang-abang sa Pwera Usog ay ang labanan nina Eula Valdez at Aiko Melendez. Kakaiba ang execution na ginawa ni Direk Jason sa said scene.
Ayon nga sa mag-inang Lily at Roselle Monteverde, pang-festival ang pagkakagawa ng Pwera Usog, huh!