Pumatay sa Masculados singer nahuli na

Nadakip noong Linggo ng Quezon City Police ang suspect sa pagpatay sa Masculados member na si Marcelo “Ozu” Ong.

Nahuli si Kristopher Ernie sa isang bakanteng lote sa Atherton Street, North Fairview, Quezon City.

Naloka ako nang marinig ko na nadakip sa Atherton St. ang suspect dahil pamilyar na pamilyar sa akin ang lugar.

Legal ang pagdakip sa suspect dahil may hawak na arrest warrant mula sa Branch 70 ng Regional Trial Court ng Quezon City.

Biktima ng carjacking si Ong sa Angono, Rizal noong August 2, 2015. Binaril siya ng mga suspect na tumangay sa sasakyan niya.

Nangyari man ang insidente sa Angono, agad na kumilos si Antipolo City Mayor Junjun Ynares para mahuli ang mga kriminal.

Nag-alok ang asawa ni Andeng Bautista ng P100,000 na pabuya sa sinuman na makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga suspect.

“Kami po sa pamahalaang lungsod ng Antipolo at sa lalawigan ng Rizal ay nalulungkot sa nangyari sa ating kababayan na si Ozu Ong.

“Inatasan po natin ang ating kapulisan dito sa Rizal na paigtingin ang imbestigasyon at pagtugis sa mga kriminal. Naglaan din po tayo ng P100,000 reward sa sinumang makakapagbigay kaalaman para sa agarang paglutas ng krimen,” ang pahayag noon ni Mayor Junjun na nanunungkulan pa rin hanggang ngayon bilang alkalde ng Antipolo City.

Alaga ng direktor na si Maryo J. delos Reyes si Ong. Kahit hindi kami pa nagkakausap ni Kuya Maryo, alam ko na ikinatuwa niya ang pagdakip sa alleged killer ni Ong. Kabilang si Kuya Maryo sa maraming nagdarasal para mabigyan ng hustisya ang pagpaslang sa talent niya na member ng Masculados.

Bianca ginawang Youth Ambassador ng World Vision

Ang Kapuso teen star na si Bianca Umali ang bagong Youth Ambassador for Education ng World Vision Philippines.

Naganap noong nakaraang buwan ang contract signing sa pagitan ni Bianca at ng World Vision Philippines.

Maligayang-maligaya si Bianca dahil miyembro na siya ng World Vision family kaya maibabahagi na niya sa mga kabataan ang mga biyaya na kanyang natatanggap.

Gustung-gusto ni Bianca ang title na Youth Ambassador for Education dahil mahilig siya na magbasa ng mga libro.

“I want to encourage the children to read, na bumalik sila sa pagbabasa. Gusto ko na maranasan nila ‘yung childhood na creative through reading.”

Pinahanga ni Bianca si Jun Godornes, ang direktor ng World Vision Resource Development dahil kahit busy si Bianca sa taping ng mga show nito sa GMA 7, may oras para magbasa ng mga libro ang teen star.

“We’re really amazed with the values that Bianca represents. It’s something na kailangan ng kabataang Pinoy ngayon. If people would know what kind of childhood she had and the discipline she has in life, it’s something that we would want to inculcate to the children’s lives,” ang sabi ni Godornes.

Noong March 2 ang 17th birthday ni Bianca pero pupunta siya ngayon sa Cebu para sa extended celebration ng kaarawan niya. Dadalawin ni Bianca ang mga bata sa Cotcot Day Care Center sa Liloan, isa sa mga area program ng World Vision Philippines.

Medyo maluwag pa ang schedule ni Bianca dahil hindi pa nagsisimula ang taping niya para sa upcoming telefantasya ng GMA 7, ang Mulawin vs Ravena. Mainstay din nga pala si Bianca ng Full House Tonight, ang Saturday night musical variety show ng Kapuso Network.

Show comments