Natatandaan namin ang madalas na kuwento ng actor at director na si Leroy Salvador noong siya ay nabubuhay pa. Noon daw panahon nila sa LVN Pictures, minsan ay hirap silang bumale ng pera kay Doña Sisang. Sila iyong mga artista ng mga pelikula ng itinuturing na henyo at national artist na si Gerry de Leon. Ang pelikula nila ang humahakot ng awards, pero hindi naman malakas sa takilya. Pero basta raw sina Nida Blanca at Nestor de Villa, ang pelikula ay laging hits, walang problema iyan.
Mayroon pang isang punto na gusto naming silipin. Ang dating Superstar na si Nora Aunor ay naidirek din ni Manong Gerry sa pelikulang Banaue. Ang pelikula ay umani ng papuri at itinuturing na isang klasikong pelikula, pero hindi iyon naging isang malaking hit. Gumawa rin si Nora ng maraming pelikula sa ilalim ni Lino Brocka, pinakasikat nga roon ang Bona, na hindi rin naman isang hit.
Ang sinasabing pinakamalaking hit na nagawa ni Nora ay iyong Guy and Pip, na ang director ay si Kuya Germs. Naging top grosser pa iyon ng festival.
Si Ate Vi rin ay maraming gina wang pelikulang naging classic, kagaya ng Sister Stella L, Relasyon, Ruvia Servios, at marami pang iba. Pero alam ba ninyo na ang pinakamalaking hits niya ay iyong Paano Ba Ang Mangarap, Gaano Kadalas ang Minsan, at iyong Anak?
Tingnan natin ngayon ang takbo ng industriya sa kasalukuyan. Papaano kaya maikakaila ng MMFF Committee na ang kinita ng pelikula ni Vice Ganda ay mas malaking ‘di hamak kaysa sa kinita ng lahat ng walong pelikulang kasali sa kanilang festival?
Ang susunod na tanong, ang magpapatakbo ba ng isang industriya ay isang produktong magandang tingnan o iyong kumikita? Tandaan ninyo, simula nang pumasok ang mga indie na iyan na sinasabi nilang maganda, hindi na nakabangon ang industriya ng pelikulang Pilipino. Noong marami pang namumuhunan sa mga high budget at tinatawag na “glossy movies”, ang daming pelikulang nagagawa at lahat nagiging hits dahil pinanonood ng mga tao.
Ano ngayon ang maliwanag na solusyon para mapanatili ang industriya ng pelikulang Pilipino? Iyan siguro ang gamitan nila ng wastong isip.
Matteo yayamanin ang hitsura kaya nganga ang career!
May nabasa kaming sinabi diumano ni Matteo Guidicelli na gusto niyang makagawa ng mas maraming projects ngayong 2017.
May ilang pelikula si Matteo na napanood namin, at mahusay naman siyang umarte. Doon sa seryeng Single/Single, makikita mong magaling talagang artista si Matteo. Kung titingnan mo naman ang hitsura ni Matteo, ‘di hamak na mas guwapo siya kaysa sa maraming pinipilit nilang pasikatin.
Nakakahinayang nga lamang na mukhang mailap ang magagandang breaks diyan kay Matteo. May nagsasabi kasing ang dahilan daw ay mukha siyang masyadong class para sa masa. Palagay namin ay hindi naman. Kasi kung hindi talaga maka-identify sa kanya ang masa, bakit nabibili ang kanyang mga plaka? Tsaka naging maganda ang following noong Single/Single. Bakit pinag-uusapan siya maging sa social media?
Minsan, iyong choice ng mga producer sa mga artista ay naliligaw talaga. Tapos kung may makapagbigay ng magandang break at kumita nang malaki, at saka sila magsisisi dahil hindi sila ang nauna. Maraming magsisisi sa hindi pagbibigay agad ng break diyan kay Matteo.