Talagang nagulat si Sunshine Cruz sa nangyari sa kasong isinampa niya laban kay Cesar Montano. Una, dahil sa palagay niya ay wala sa ayos ang pagbasura ng piskalya sa kanyang isinampang kaso sa kanyang mister, at lalo na sa naging timing kung kailan lumabas sa publiko. Actually, mga dalawang linggo nang nangyari iyon, bago nailabas sa publiko. Alam namin iyan dahil noong ibasura ang kaso, nagpadala sa amin ng e-mail si Sunshine na nagkuwento tungkol doon at humihingi ng opinion kung sa palagay ba namin ay tama ba iyon.
Hindi namin sinagot ang message ni Sunshine, dahil sa paniwala namin na dapat ang kanyang abugado ang dumiskarte kung ano ang gagawing kasunod pagkatapos na mabasura. Ikalawa, hindi rin naman dapat ilabas kung anuman ang opinion ni Sunshine, dahil nasabi niya iyon in confidence. Hindi naman for the public to know. Mayroon kasi silang gag order mula sa korte kaugnay ng mga kasong iyan.
Ang kasong idinismis ng piskalya ay ang may kinalaman sa mga anak nila, at sa isang sitwasyong sinasabing naranasan nila. Handa naman daw tumestigo ang mga bata kung kinakailangan. Pero hindi nga rin hiningi iyon ng piskalya.
Marami pang ibang kuwento si Sunshine na hindi na rin namin sasabihin dahil masyado na ngang personal. At palagay namin, nasabi lang naman niya sa amin ito bilang isang kaibigan na maaaring magbigay din sa kanya ng payo. Kung hindi naman siguro, hindi na lang siya kikibo. In the first place, palagay namin ay wala naman siyang ibang napagkuwentuhan o kung mayroon man ay pinili ring manahimik.
Anyway, ang pasya nila ay hingin ang reconsideration sa naging desisyon ng piskalya. Pero ang sinasabi nga ni Sunshine, hindi naman siya nagdedemanda dahil sa kung ano pa man. Hindi rin naman siya naghahabol ng sustento dahil kaya naman niyang buhayin ang kanyang mga anak. Ang iniisip lang niya ay ang karapatan naman ng kanyang mga anak.
Bukod doon, inaamin naman niya na ang mahalaga sa kanya ay annulment ng kanilang kasal. Dahil sa paniwala niya, kung tuluyan na ngang mapuputol ang kanilang ugnayan ay mas magiging tahimik na ang kanilang buhay.
Mark kailangang tulungan umakyat
Palagay namin, timing ang launching ni Mark Neumann sa Tasya Fantasya ng TV5. Primetime iyan, at masusubukan naman ngayon si Mark sa role ng isang matinee idol.
Sinasabi naming tamang panahon dahil hindi naman natin maikakaila na mukhang bumababa na ang popularidad ng ilang matinee idols na dati ay talagang sikat. Oras na bumaba na ang popularidad ng nasa kaparehong linya, doon dapat pumasok ang bago. At sa palagay namin, kayang-kaya naman ito ni Mark Neumann. Lalo na nga’t may mga ganyan siyang proyekto na nasa primetime.
Ang kailangan lang siguro ay mas matindi pang suporta kay Mark. Hindi puwedeng asahan ang TV show lamang. Dapat mas maging visible siya. Dapat magkaroon na siya ng exposure sa mga mall show, sa regional shows at maalagaan ang kanyang publisidad. Kung maghi-hit and run sila sa publicity, ibig sabihin sa pagsisimula lamang ng Tasya Fantasya at pagkatapos ay wala na, baka mahirapan din.
Kailangan pa rin ng push ni Mark. Nasa kanya ang potentials pero kailangang tulungan naman siya para maabot iyon. After all kasabihan na nga, hindi madali ang umakyat sa isang mataas na bundok.