Wala raw kinalaman si Eugene Domingo sa pagkawala ni Jose Manalo sa Celebrity Bluff.
Matatandaang naging hit ang tambalan nilang JoGe sa naturang game show ng GMA 7. Pero bigla ngang nawala si Jose sa show at nagkaroon ng usap-usapan na nag-away sila ni Uge.
“Wala akong kinalaman diyan. Ako mismo, nagulat na wala na pala siya sa show.
“Sinasabi lang nila sa akin ‘yung mga nagaganap sa show. Kung may internal problem, wala na akong alam diyan.
“Unang-una, ang pinaka-concern ko ay ang trabaho ko. Pinagbubutihan ko parati para walang magsabi na nagpapabaya ako.
“In regards kay Jose, ang management na ang nakakaalam diyan,” paliwanag pa ni Uge.
May kapalit nga ang Celebrity Bluff ni Uge pagkatapos itong umere for three years and 12 seasons. Ito ay ang comedy anthology na Dear Uge.
Nagbabalik sa paggawa ng comedy si Uge dahil marami mga tagahanga niya ang naka-miss dito.
Tatlong taon ngang hindi gumawa ng comedy film si Uge kaya panahon na raw para bumalik siya sa unang ikinagiliw ng fans sa kanya.
“Iba kasi ang concept nitong Dear Uge. Pinaghalong modern technology dahil may live blog ako dito tapos ang traditional na makaka-relate ang masa which is ‘yung sari-sari store kung saan nagaganap ang mga chismis at usap-usapan.
“May pagka-Tiya Dely at Helen Vela ang dating ko rito, pero comedy siya at hindi drama. Puro mga funny stories ang hatid ng Dear Uge,” ngiti pa niya.
Makakasama nga ni Uge bilang sidekick sa show ay ang newcomer na si Divine Grace Aucina.
Ken handang maging diwata
Nang tanungin si Ken Chan kung anong role ang gusto niyang gawin kung sakaling magtapos na ang Destiny Rose? Gusto raw niya ang maging isang superhero.
Puwede rin daw siyang lumabas sa isang romantic-comedy na teleserye o isang horror para maiba lang.
May fans na humihiling na si Ken daw ang gumanap bilang Pirena sa Encantadia. As in babae na naman ang gusto nilang paglabas ni Ken
“Yun nga tawang-tawa ako, ‘yung kay Pirena.
“Pero sige, magpi-Pirena ako, para sa Encantadia,” tawa ni Ken Chan.
Lady Gaga may paandar kay David Bowie sa Grammys
Mag-pay tribute si Lady Gaga sa pumanaw na British rock star na si David Bowie sa nalalapit na Grammy Awards.
Aawitin ni Lady Gaga ang apat na songs na pinasikat ni Bowie bilang tribute sa creativity nito bilang isang musician for five decades.
Pumanaw si Bowie noong nakaraang buwan dahil sa sakit na cancer. Isa si Lady Gaga sa nalungkot dahil naging inspirasyon niya si Bowie sa pagiging iba nito at ang nilikha nitong music na tinanggap ng marami sa loob ng 50 years.
“But when David passed — almost in a single moment — we knew we had to change direction,” ayon pa sa Grammy ceremony executive producer na si Ken Ehrlich.
“We immediately spoke and agreed that she (Lady Gaga) should be the one to honor David. She’s perfect for it,”
Ang music producer na si Nile Rodgers, na nag-produce ng album ni Bowie noong 1983 na Let’s Dance, ang siyang musical director para sa naturang tribute on February 15.