Natatandaan namin, sinabi ni Solenn Heussaff sa press conference noon ng isa niyang pelikula na hindi totoo ang nabalita sa social media na nagpakasal na siya sa kanyang boyfriend na si Nico Bolzico. Natatandaan namin, diretsa niyang sinabi na walang kasalang naganap, pero inamin niya na may plano silang magpakasal ng kanyang boyfriend. Kung magpapakasal daw sila, hindi nila ililihim iyon sa publiko, after all wala namang magbabago sa kanya o sa kanyang career.
Maraming pelikula ngayon si Solenn, kaya sunud-sunod ang pagtatanong sa kanya ng press. Ngayon ilalabas na rin ang Love In Blind kung saan kasama naman niya si Derek Ramsey, para nga sa Valentine presentation.
Still firm si Solenn sa pagsasabing hindi pa siya married.
Pero nagulat din kami nang may mag-send sa amin ng profile ng kanyang boyfriend na si Nico Bolzico sa Facebook account noon kung saan nakalagay sa kanyang status na “Married to Maria Solenn Heusaff”. Bakit nagdi-deny si Solenn at umaamin naman si Nico?
Hindi ba sila nag-usap kung ano ang magiging statement nilang dalawa sa publiko?
Nagpakasal man sila o hindi, personal na iyon sa kanila. Aminin man nila o hindi sa publiko ang mga bagay na iyon, lalo na’t sa tingin nila ay may mga plano pa sila sa buhay na maaaring maapektuhan, may karapatan silang sabihin lamang kung ano ang gusto nila.
Nangyari na rin iyan noong araw. May isang artistang babae na talaga namang kasal na sa kanyang boyfriend, at kulang na nga lang ay magbuntis. Pero hindi niya maamin iyon sa publiko dahil mayroon siyang pinirmahang advertising contract na nagsasabing kailangang manatili siyang single sa panahon ng kontratang iyon.
Sa kaso naman nina Solenn at Nico, hindi namin masabi ngayon kung sino ang nagsasabing ng totoo. Wala rin naman kaming pakialam doon. Ang sinasabi lang namin, sana nag-usap sila kung ano ang sasabihin ng isa’t isa sa publiko para sana ay walang confusion.
Sakaling malaos Bulaga naghahanap na ng ipapalit kay Maine!
Sinasabi nila na talagang suwerte lang iyang Tito (Sotto), Vic (Sotto) and Joey (de Leon). Magaling kasi silang magpasikat eh, lalo na nga si Joey. Kung natatandaan ninyo, biglang sumipa ang kanilang ratings noong ma-discover nila si Aiza Seguerra noong bata pa lang siya.
Pati mga dancers, kagaya noong si Rochelle Pangilinan, at ni Gracia napasikat sila nang ganoon din at inaabangan iyan ng TV audience.
Bigla na namang sumipa ang ratings nila nang ma-discover nila si Ryzza Mae Dizon, at bago pa bumaba ang popularidad noon, naka-jackpot naman sila ulit kay Maine Mendoza.
Pero parang iisa lang ang pattern eh. Sisikat nang napakatindi ang kanilang mga ibini-build up, tapos basta lumalamig na ang popularidad ng mga iyon, ganoon na lang. Wala na silang ginagawa para makabawi pa, humahanap na lang sila ng bagong talent na pasisikatin.
Ngayon malakas pa rin naman ang AlDub, kaya hindi pa natin alam ang susunod. Pero mapupuna mo na patuloy pa rin ang paghahanap nila ng bagong talents.
Malay mo nga naman kung may biglang lumaki na naman sa mga iyon. Hindi nila akalaing sisikat nang ganyan si Maine Mendoza. Natiyempuhan lang iyon. Nakuha niya ang kiliti ng publiko. Walang effort para pasikatin siya pero sumikat.
At ngayon, hindi maikakailang naghahanap na naman sila ng mga bagong sisikat, at palagay namin makakakuha pa rin naman sila ng iba.