Ang isang tao ay hindi basta-basta maaaring tawaging Master Showman. Hindi basta may pangalan ng kaunti, marunong kumanta o umarte ay maaaring Master Showman agad.
Just to remind people, ang unang tinawag na Master Showman ay si Lou Salvador, Sr., isa siyang sikat na basketball player noong araw na naging actor din. Nagpunta siya sa Amerika, nakita niya ang mga palabas na vaudeville, ginaya niya iyon at ginawa sa Pilipinas.
Noong siya ang may hawak ng pinakamalaking vaudeville sa bansa, naka-discover siya at nakapagpasikat ng napakaraming talents na pinakinabangan ng buong industriya, kabilang na ang pelikula.
Sumikat din pati ang kanyang mga anak na lahat halos ay napunta rin naman sa show business.
Ganoon din naman ang ginawa ni Kuya Germs. Hindi na vaudeville kundi sa telebisyon naman dahil iyon na ang popular medium ng kanyang panahon. Nag-discover siya at nagpasikat ng maraming mga artista.
Kabilang na riyan ang mga pinakasikat pang artista ng panahong ito. Kaya nga noong burol ni Kuya Germs, naroroon ang lahat halos ng mga artista, mula sa mga pinakasikat, ang mga tinatawag na showbiz legends na, ang mga baguhan at maging mga laos na.
Lahat sila, kinikilala nila ang naitulong ni Kuya Germs bilang Master Showman sa industriya ng entertainment sa bansa.
Sa natatandaan namin, noong kasagsagan ng kanyang TV shows, at ng That’s Entertainment, nasabi sa amin ng isa sa mga prominenteng aktres, producer, at anak ng original na master showman na si Lou Salvador Sr., si Mina Aragon na “iyang si Kuya Germs ang maaaring tawaging master showman sa panahong ito”.
Ang sinabing iyon ni Boss Mina ang naging simula, tinawag na ngang Master Showman si Kuya Germs. Pero bago iyon ay napatunayan na niya kung ano ang kanyang magagawa, at ang intensiyon niyang gawin ang lahat para sa industriya.
Kaya sinasabi namin, sa ngayon wala pang makakapalit kay Kuya Germs. Wala pang may ganoong pruwebang masasabi. Kung mayroon mang matatawag na master showman ulit, matagal pa siguro iyon.
Ang pagiging master showman ay hindi kagaya ng noodles na buhusan lang ng mainit na tubig puwede na. Magkakaroon pa rin naman siguro ng isa pang master showman, pero sa tamang panahon.
Iyong mga nagsasabing sila ang papalit na master showman, puwede ba painumin ng kape para nerbiyusin naman sa sinasabi nila.
Julia mas piniling lumayas kesa magpaliwanag
Lalo kaming naguluhan matapos mag-post ni Julia Clarete sa kanyang social media account ng pag-amin ng kanyang pag-alis at nagmamadaling manirahan nang pirmihan sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ano nga ba ang dahilan para iwanan niya ang pagiging co-host ng Eat Bulaga at magtungo sa Malaysia? Wala namang sinasabing kaanak niya sa lugar na iyon. Inamin niya na hindi na siya nakapagpaalam man lang sa publiko at sa kanyang mga kaibigan.
Sinabi rin niyang basta naayos na niya ang kanyang mga problema, babalik din siya sa bansa at makikipag-get together sa mga kaibigan niya.
Kaya nga lalong umugong ang mga tanong, ano nga ba ang napakabigat na problemang iyon na naging dahilan ng madalian niyang pag-alis at pagtalikod sa kanyang career dito sa Pilipinas?
May mga nabubuo tuloy na ispekulasyon na nag-uugnay sa kanya sa isa pang pinag-uusapang problema rin sa relasyon sa showbusiness dahil doon.
Sana maging mas malinaw ang maging paliwanag ni Julia para maiwasan ang kung anu-anong usapan tungkol sa biglaan niyang pag-alis.